Ilang araw pa lang ang nakakalipas mula noong ianunsyo na wala na si Allen “Baloyskie” Baloy sa ONIC PH, napapabalita na agad na may bago nang koponan ang batikang support/roamer.

Nga lamang, hindi ito kabilang sa MPL Philippines bagkus ay sa MPL Indonesia. Usap-usapan ngayon sa Mobile Legends: Bang Bang community ng parehong bansa ang pag-recruit umano ng Geek Fam ID kay Baloyskie para sa darating na MPL ID Season 10.

Nitong Miyerkules ng gabi, ika-6 ng Hulyo, naglabas ang Geek Fam sa kanilang social media pages ng isang teaser video patungkol sa kanilang roster para sa paparating na MPL season at tila nagpapahiwatig ito na kabilang na sa kanilang koponan ang dating kapitan ng ONIC PH.


Baloyskie napapabalitang maglalaro para sa Geek Fam ID

Baloyskie
Credit: Moonton

Sa pinakasimula ng nasabing video, inihayag ng Geek Fam ID na “Something BIG is coming” sa kanilang organisasyon. Kapansin-pansin din ang mga kulay ng watawat ng Pilipinas at ang silhouette ng isang manlalaro na tila nahahawig kay Baloyskie.

Ano’t-ano pa man, isang malinaw na pahiwatig ito na isang Pinoy pro ang kinuha ng koponan upang tulungan sila sa kanilang kampanya sa MPL ID Season 10.



Shinare ng manlalarong kilala rin sa IGN na “Greed” sa kanyang opisyal na Facebook page ang naturang teaser video, na lalong nagpapatibay ng mga bulung-bulungan na bahagi na nga siya ng Geek Fam.

Bago pa ang mga ito, kumalat na ang mga litratong ibinahagi ng Emak Moba sa Instagram na nagpapakitang nasa lineup na ng Geek Fam ang 23-year-old pro kasama ang isa pang Pinoy player na si jungler Mark “Hadess” Lazaro.

Kung totoo ngang nasa Geek Fam ID na sila Baloyskie at Hadess, aasahan ang dating magkasangga sa Aura PH na gagabayan nila ang koponan patungo sa MPL ID playoffs. Mula kasi nang pumasok ang koponan noong Season 4, lagi silang bumabagsak sa pinakababa ng standings na 7th-8th place.

At kung dadalhin nga talaga ng dalawa ang kanilang talento sa MPL ID, susundan nila ang yapak ng dating kakampi ni Baloy na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol, na unang Pinoy MLBB pro na lumipat sa ibang bansa matapos pumirma sa ONIC Esports.

Sa ngayon, wala pang opisyal na anunsyo ang Geek Fam ID kung talaga bang kinuha nila si Baloyskie maging si Hadess.

Manatiling nakatutok sa roster changes sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.


BASAHIN: Listahan ng roster changes sa MPL PH Season 10