Matamis ang naging paghihiganti ng Blacklist International sa ONIC Esports matapos patumbahin ng kampeon ng Pilipinas ang katapat nila mula Indonesia, 2-1, sa kanilang lower bracket second round match at patalsikin ito sa M3 World Championship.

Muling nagharap pero ngayon sa mas malaking entablado na, binawian ng Blacklist ang ONIC na tumalo sa kanila sa grand finals ng ONE Esports MPL Invitational 2021 noong nakaraang buwan.

Nagpasiklab sa serye ang gold laner at player na may pinakamaraming kills sa ngayon sa M3 na si Kiel “OHEB” Soriano gamit ang kanyang signature hero na Beatrix.


Beatrix ni OHEB nagpasiklab, Blacklist International bumawi sa ONIC Esports

Beatrix ni OHEB bumida, Blacklist International bumawi sa ONIC Esports

Sinunggaban ng Blacklist International ang bwena manong bentahe sa serye sa pamamagitan ng kanilang superior positioning sa pagkuha ng mahahalagang objectives.

Pasensyosong naghintay sa bush, pinakawalan ni Salic “Hadji” Imam sa Kagura ang kanyang mapaminsalang Yin Yang Overturn para mabura ng Blacklist ang dalawa sa ONIC at makuha ang ikatlong Turtle sa seven-minute mark.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Dito na nagsimulang mag-scale ang Beatrix ni OHEB na nanguna sa pagtunaw sa mga hero ng ONIC ID sa mga malalaking clash.

Nang masiguro na ng pambato ng Pinas ang Luminous Lord sa 22nd-minute mark, isa-isang pinagbabaril ng Beatrix ni OHEB ang mga Indonesian at tinuldukan ang 17-13 panalo sa pamamagitan ng isang triple kill.

Nagpakawala ang 17-year-old star gold laner ng halos 113K damage para makapagtala ng 9-1-3 KDA at 71% kill participation kaya naman siya ang tinanghal na MVP ng Game 1.

Credit: Moonton

Nagawang makatabla ng ONIC Esports sa Game 2 gamit ang kanilang late game prowess na naka-angkla sa double marksman setup nila na jungle Natan at Clint sa kamay nila Gilang “SANZ” at Calvin “CW” Winata.

Lamang na lamang ang Blacklist sa early to mid game matapos makuha ng Kimmy na naka-Mage Killer ni Danerie James “Wise” Del Rosario ang apat na Turtle at ang unang Luminous Lord pero siniguro ni Muhammad Satrya “Butsss” Sanubari sa Esmeralda na tatagal ang laro at sila ang mananaig sa late game.

Credit: Moonton

Pero iyon na ang huling sipa mula sa koponan ng Indonesia dahil dinurog sila ng back-to-back MPL champs sa deciding Game 3 sa likod ng isa na namang malupit na Beatrix performance mula kay OHEB.

Habang ang kanyang mga kakampi ay naka-focus sa pagbasag ng mga turret, inasinta at pinatumba ni OHEB gamit ang Renner ang mga hero ng ONIC kaya naman nabura ng Blacklist ang lahat ng tore ng kalaban at nakapagbaon ng 11K gold lead sa 11-minute mark pa lang.

Makalipas ang dalawang minuto, pinitas ni OHEB si Adriand “Drian” Larsen Wong (Cecilion), Butsss (Hylos) at SANZ (Lancelot) sa mismong base nila bago tuluyang pauwiin ang ONIC.

Credit: Moonton

Naging crucial din sa deciding game ang pag-zone out nila Hadji (Pharsa) at Edward “EDWARD” Dapadap (Lapu-Lapu) sa mga miyembro ng ONIC maging ang pag-soak ng enemy damage nila Wise (Barats) at Mathilda ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna.


Nanatiling buhay ang kampanya ng Blacklist International sa M3 at sunod nilang sasalpukin sa lower bracket ang panalo sa pagitan ng Bedel ng Turkey at Keyd Stars ng Brazil sa ika-15 ng Disyembre.

Mapapanood ang M3 World Championship playoffs sa opisyal na Facebook at YouTube ng Mobile Legends: Bang Bang. Maaring subaybayan ang mga pangyayari sa torneo sa pamamagitan ng pag-like sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ang OHEB Beatrix Build na ito ang bumalagbag sa Group A sa M3 Group Stages