Dalawang beses binaliktad ng Blacklist International ang kalamangang naitala ng Smart Omega sa best-of-three series na ginanap noong ikalawang araw ng unang linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Inetsa-puwera ng Agents ang pagbabalik ng binansagang ‘The King’ na si Kiel VJ “KielVJ” Hernandez na humalili sa midlane habang nasa bangko si Patrick “E2MAX” Caidic, maging ang debut ng rookie roamer na si Deomark “Mikko” Tabangay, na pinalitan muna si Joshua “Ch4knu” Mangilog.

Wise at OhMyV33nus, nagtig-isa ng MVP para walisin ng Blacklist International ang Smart Omega

Back-to-back comeback tampok sa tagumpay ng Blacklist International kontra Smart Omega
Credit: ONE Esports

Nagpamalas ng husay sa drafting at lawak ng hero pool ang Smart Omega sa unang mapa ng serye. Napalusot kasi ni Coach Jomie “P4kbet” Abalos ang Ling para kay Dean Christian “Raizen” Sumagui matapos ipain ang priority pick na Esmeralda na para pala kay Duane “Kelra” Pillas at second-phase pick na Baxia na ginamit naman ni Renz Errol “Renzio” Cadua.

Napagana naman ng Barangay Omega ang naturang lineup matapos nilang hawakan ang kalamangan sa kahabaan ng laro. Isang Lord na lang sana ang naghihiwalay sa kanila at sa panalo, pero nakahanap ng siwang ang Blacklist International para makabawi. Napitas ng mga Agent ang mga nagbibigay ng damage para sa Smart Omega, dahilan para sila ang sumelyo sa pinaka-aasam na objective at sa laro.

Back-to-back comeback tampok sa tagumpay ng Blacklist International kontra Smart Omega
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Kinilalang MVP ng game one ang Akai ni Danerie James “Wise” Del Rosario na nagtala ng isang kill at pitong assists konta isang death.

Back-to-back comeback tampok sa tagumpay ng Blacklist International kontra Smart Omega
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Pagpasok sa ikalawang mapa, ang Blacklist International naman ang nakahawak sa mga comfort picks nila. Tampok ang Beatrix ni Kiel “OHEB” Soriano, na naka-Savage kagabi kontra Nexplay EVOS, pati na rin ang Estes ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna na muling nirampa ang kanilang M3 World Championship skin.

Pareho ang naging takbo ng laban—pinangibabawan ng Wanwan ni Kelra at Valentina ni KielVJ ang kahabaan ng bakbakan, pero muling nakahanap ng butas ang Blacklist International sa kanilang opensa.

Sa huling sandali ng pagdepensa sa base, naitala ni OHEB ang tatlo niyang kills, na galing sa Valentina, Wanwan, at Akai ni Raizen, habang ang Benedetta naman ni Edward Jay “EDWARD” Dapadap ang nagpadapa sa Esmeralda ni Renzio.

Ito ang naging mitsa para muling makabawi ang Blacklist International sa laban. Hindi napigilan ng Selena ni Mikko ang pagmartsa ng mga Agents papasok sa kanilang base, kaya’t madali na lang itong pinaputok ni OHEB gamit ang dalawang bala mula sa Wesker ni Beatrix.

Back-to-back comeback tampok sa tagumpay ng Blacklist International kontra Smart Omega
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Pinarangalan naman bilang MVP ng game two ang Estes ni OhMyV33nus na nagtala ng 100% kill participation, mula sa isang kill at pitong assists.

Susunod na kakalabanin ng Blacklist International ang BREN Esports sa Sabado, ika-20 ng Agosto, sa ganap na ika-anim ng gabi. Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kaba, excititement, gigil naramdaman ng Blacklist International sa MPL PH S10 opener