Halo-halong emosyon ang naramdaman ng mga miyembro ng Blacklist International sa unang laban nila sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) kasama ang nagbabalik-ligang duo nina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario.

Matatandaang nagpahinga ang tanyag na V33Wise duo noong nakaraang season. Humalili muna sa posisyong naiwan ng dalawa ang beteranong tank player na si Mark Jayson “ESON” Gerardo at noo’y rookie jungler na si Kent Xavier “Kevier” Lopez, ngunit sa kasamaang palad, hindi naging matagumpay ang naging kampanya nila.

Bigong makalampas noon ang Blacklist International sa regular season, kaya’t bakas ang gigil ng ilan sa kanilang mga miyembro nang talunin nila ang Nexplay EVOS sa unang araw ng MPL PH S10.

Wise nakaramdam ng kaba bago ang unang laban ng Blacklist International sa MPL PH S10, OHEB gigil bumawi

Kaba, excititement, gigil naramdaman ng Blacklist International sa MPL PH S10 opener
Credit: ONE Esports

Kinailangan ang lahat ng mapa ng best-of-three series at isang Savage mula kay Kiel “OHEB” Soriano bago tuluyang ma-decode ng Blacklist International ang koponan nina Jniel “YellyHaze” Bata-anon. Tagumpay sa una nilang laban, inamin ni Wise na nakaramdam muna siya ng kaba.

“Noong bago kami umalis ng bootcamp, kinakabahan talaga ako, pero noong nandito na, nahawakan ko na ‘yung cellphone, biglang nawala bigla eh, tas biglang napalitan ng excitement,” kwento niya.

Nairampa rin ni OhMyV33nus sa unang pagkakataon ang kanilang M3 World Championship skin kay Estes, pero ‘di daw nila inasahang magiging ganoon ka-agresibo ang Nexplay EVOS nang talunin sila nito noong ikalawang mapa ng serye:

Credit: ONE Esports

“Siguro, draft-wise, nagkamali kami na ipinilit namin ‘yung Estes. And siguro nagulat na lang kami na grabe ‘yung agressiveness nila noong game na ‘yon. Sobrang nag-work.”

Para naman sa mga miyembro ng M3 World Championship-winning roster ng Blacklist International na naiwan noong nakaraang season, na binubuo nina Edward Jay “EDWARD” Dapadap, Hadji “HADJI” Imam, at OHEB, masaya silang kasama na nilang muli sina OhMyV33nus at Wise para sa kanilang kampanyang bawiin ang korona.

“Gigil tsaka excitement… Gigil kaming tatlo bumawi ngayong season dahil sa nangyari last season tsaka exciting din kasi kumpleto na ulit kaming M3 lineup,” paliwanag ng The Filipino Sniper.


Samantala, susubukan namang pigilan ng Blacklist International ang mainit na Smart Omega sa ikalawang araw ng unang linggo ng MPL PH S10. Gaganapin ang kanilang harapan sa Sabado, ika-13 ng Agosto, sa ganap na ikawalo ng gabi.

Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Matapos walisin ang Kings of SEA, E2MAX inaming nagsisimula pa lang silang bawian ang RSG PH