No OHEB? No problem.

Iyan ang saloobin ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza tungkol sa kaniyang kupunang bubuksan ang MPL PH Season 8 playoffs ng wala si Kiel “OHEB” Soriano.

Ayon sa dekoradong coach, ito raw ang rason kung bakit laging handa ang iba pang miyembro ng Blacklist International liban sa starting five. “Andiyan ang mga reserve players para sa mga ganitong situation.” ani ng MPL Season 7 Championship coach.


Tiwala si Coach BON CHAN kay Eson na papasok muna sa starting five

Credit: MPL Philippines/ Screenshot ni Jeremiah Sevilla ng ONE Esports PH

Kinapanayam ng ONE Esports Philippines ang batikang coach tungkol sa kanilang preparasyon papunta sa kanilang upper bracket playoff match.

Aniya, may kurot ang pagkawala ni OHEB sa starting five, ngunit matindi ang pananalig niya sa kaniyang mga reserves lalo na kay Mark Jayson “ESON” Gerardo na siyang hahawak muna sa tank/support position.

Kaugnay ito ng ipinataw na 2-game suspension sa Blacklist gold laner matapos niyang magpakita ng “unsportsmanlike behavior” sa Week 7 Day 2 panalo nila kontra Smart Omega.

Credit: Blacklist International

“Okay lang kahit wala siya [OHEB]. Si Eson naman talaga naglalaro dati [sic] last season.” dagdag ng Blacklist coach.

Matatandaan noong Season 7, malaki ang ginampanan ng beteranong roamer para mapagana ng Blacklist International ang Ultimate Bonding Experience (UBE) strategy na nagdala sa kanila sa kampyonato.

Ngayong papalapit na ng papalapit ang kanilang opener, patuloy parin daw ang paghahanda ng Blacklist ayon kay Coach BON CHAN. “Same prep sa mga nagdaang matches, hati nga lang practice this time kay OHEB at Eson,”


Hindi pa pinal ang role na gagampanan ni Hadji

Credit: MPL Philippines/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Nilinaw din ni Coach BON CHAN na habang si Eson muna ang tatao sa tank role, hindi pa pinal kung ano ang position na lalaruan ng kaniyang superstar player na si Salic “Hadji” Imam.

Nauna ng magpakitang-gilas si Hadji sa jungler role sa huling serye na nilaro ng Blacklist tampok ang kaniyang signature assassin heroes kontra BREN Esports.

Mistulang pagbabalik-tanaw sa kaniyang jungler days sa Smart Omega ang ipinakita ng binasagang “KDA Machine” na nagtala ng 8/1/8 KDA sa kaniyang Ling sa game 1, at 11/0/10 KDA naman sa kaniyang Lancelot sa game 2.


Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa Blacklist International at mga kupunan sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsunod sa Facebook page ng ONE Esports PH.