Patuloy ang pamamayagpag ng ONIC Esports sa Mobile Legends esports. Pagkaraang makalawit ang dalawang magkasunod na MPL ID tropeyo, at ang MSC 2023 title, ang koponan din ni Denver “Coach Yeb” Miranda ang nagkamit ng kampeonato ng ESL Snapdragon Pro Series MLBB SEA Season 3.

Dominante ang Hedgehog team ng Indonesia sa tatlong grand finals na kinabilangan nila, liban na lamang ng kinaharap nila ang Blacklist International na pumalag sa kanila sa MSC.

Kaya naman, maraming naghahalintulad sa dominasyon ng koponan sa kanilang kampanya noong 2019 na binansagang “Kage Era”. Sa puntong iyon ay apat na sunod na tropeyo ang naiuwi ng koponan.

Ngayong nagbabalik sa tugatog ang ONIC ni Coach Yeb, maraming nagsasabi na ito raw ay dahil sa kasalukuyang META sa laro. Ngunit ani ng batikang coach, hindi raw ito ang rason.



Nag-aadjust pa raw ang lahat sa meta sabi ni Coach Yeb

ONIC Esports members at ang tropeyo ng MPL ID S11
Credit: ONE Esports

Dahil sa sunod-sunod na tagumpay ng ONIC Esports, hindi maalis sa isipan ng ilan na sila ang koponang pinaboran ng meta play sa pinakahuling update sa laro.

Sa kabila nito, mariing itinanggi ni Coach Yeb na hindi ito ang kaso.

“Walang ginagawang mali ang mga Filipino teams. Ngayon nga lang kasi, maraming pagbabago ang dala ng patch. Lahat ng professional teams, sinusubukan pa lang matuto,” kuwento ni Coach Yeb sa ONE Esports.

“Swerte lang kami na kami ang nanalo sa tournament (ESL Snapdragon Pro Series MLBB SEA S3)”.

Pagpapaliwig pa ng Pinoy coach, marami din daw Indonesian teams ang patuloy na nag-aadjust sa mga pagbabago sa laro. “Siguro may ibang teams na nakikinabang, pero hindi applicable na sabihin na maganda ang meta para sa lahat ng teams sa Indonesia.”

Itinaas ng mga miyembro ng ONIC Esports ang tropeyo ng ESL Snapdragon MLBB Pro Series S3
Credit: ESL

Dagdag pa ng beterano, “Lahat gusto pang aralin ‘yung meta kaya hindi ko masasabi na Indonesian meta ang mayroon ngayon”.

Kung hindi man pabor sa ilang teams sa Indonesia ang bagong patch ay hindi mahirap na makita na abante ang kaniyang ONIC Esports sa mechanics nito.

Susubukang sakyan ng koponan ni Coach Yeb ang kanilang momentum ngayong MPL Indonesia Season 12 kung saan nanatili silang paborito.

Sundan ang pinakahuli sa MLBB esports sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Kung usapang meta, pasok si Ling dito! Para ma-master mo ang naturang assassin, ganito raw karaming laro ang kailangan mo, sabi ni Alberttt