Magsisilbi bilang coach ang dating substitute player ng ECHO na si Kenneth “Flysolo” Coloma para sa Pabz Esports, isang koponang sumasabak sa Mobile Legends: Bang Bang Development League Indonesia (MDL ID).

Ilang araw matapos ang ika-siyam na season ng MLBB Professional League Philippines (MPL PH), sinumulan ni Flysolo ang magbabaga pa lang noon na roster shuffle sa pag-post ng kanyang intensyon na magtrabaho ng bilang parte ng coaching staff.

Noong ikawalong season ng MPL PH huling naging parte ng koponan ang dationg pro Dota 2 player. Pinunan niya noon ang papel bilang substitute roamer ng ECHO, bagamat hindi nagkaroon ng pagkakataon na makapagpakitang-gilas.

Bago magsimula ang ika-anim na season ng MDL ID, natukoy na sa Indonesia magsisimula ng bagong landas ang dating pro Dota 2 player. Ipinadama ng Pabz Esports ang kanilang pagtanggap kay Flysolo sa pamamagitan ng isang Instagram post.



Flysolo palalakasin ang Pabz Esports sa MDL ID Season 6

Coach na ng Pabz Esports ang dating ECHO sub na si Flysolo
Credit: Coach Flysolo

Isa ang Pabz Esports sa anim na non-MPL teams na kasali sa ika-anim na season ng MDL ID.

Noong nakaraang season, maagang nagtapos ang kampanya ng koponan matapos nilang mabigo kontra Rebellion Sinai, ang sister team ng Rebellion Zion, sa ikalawang round ng playoffs.

Gayunpaman, malaking improvement pa rin ito kumpara sa nauna nilang resulta noong ika-apat na season ng liga. Nauwi lang kasi sa 11-14th place ang kanilang pagtatangka noon, kaya’t kinailangan nilang dumaan sa play-ins para makabalik sa MDL ID.

Coach na ng Pabz Esports ang dating ECHO sub na si Flysolo
Credit: Pabz Esports

Bukod sa pagpapalakas ng kanilang coaching staff sa tulong ni Flysolo, kumuha pa ng tatlong player ang koponan para paghandaan ang susunod na season. Ito ay ang midlaner na si Neesty, jungler na si Rine, at gold laner na si Vans.

Kamakailan, ipinakilala rin ang dating head coach ng ECHO na si Michael “Arcadia” Bocado bilang miyembro ng Team RRQ. Kasama na ngayon si Flysolo sa lumolobong bilang ng mga Pinoy na lumipat sa ibang MPL regions bago magsimula ang susunod na season.

Bago ang dalawa, nauna nang inanunsyo ang paglipat ng dating Nexplay EVOS coach na si John Michael “Zico” Dizon sa BURN X FLASH ng MPL Cambodia, at ex-ONIC Philippines coach Denver “Yeb” Miranda naman sa ONIC Esports.

Samantala, nakatakda naman magsimula ang MDL ID Season 6 sa ikawalo ng Agosto.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kumpletong listahan ng Pinoy exports sa MPL