Hindi pa nakakatikim ng tagumpay ang Malaysia sa international Mobile Legends: Bang Bang pro play, at ito ang isang bagay na tatangkaing baguhin ng reigning MPL MY champions na HomeBois.

Kasunod ng tagumpay nila sa MPL MY Season 12, tutungo ang pangkat sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2023 (MPLI 2023) tangan ang pag-asa ng Malaysian MLBB fans na matagal nang uhaw sa pagkilala sa international stage.



Postura ng HomeBois bago tumungo sa MPLI 2023

HomeBois roster sa MPLI 2023
Credit: ONE Esports

Kumpara sa ibang kalahok na teams, bagito ang HomeBois sa international eksena. Magsisilbi ang MPLI bilang pangalawa pa lamang na torneong lalahukan ng hanay. Gayunpaman, masasandalan nila ang beteranong player na si Mohamad Zul Hisham “Xorn” Bin Mohd Noor para pangunahan ang kanilang atake.

Malawak na karanasan ang karga ni Xorn para sa Malaysian squad. Bukod sa nalahukan ng roamer ang bawat season ng MPL sa bansa, nakadalo na rin siya sa ilang international tournaments kagaya na lamang ng MSC 2019 at ang huling dalawang edisyon ng Southeast Asian Games.

Mabilis ang epekto ng pagsanib ni Xorn sa team dahil sentro ang kaniyang play sa kanilang championship run.

HomeBois Xorn hinirang na Playoffs MVP sa MPL MY S12
Credit: Moonton Games

Bukod pa dito, nahirang din ang bantog na tank chou user bilang miyembro ng Dream Team sa nakalipas na season, gayundin ang Playoffs Most Valuable Player, kung kaya’t tinitingala ang pro bilang isa sa pinakamalalakas na player sa kaniyang position.

Ngunit hindi lamang si Xorn ang dapat antabayanan ng fans. Pambihira din ang kakayahan ng iba pang miyembro ng HomeBois lalo na kung babalikan ang kanilang biyahe sa MPL MY Season 12 playoffs.

Ginulantang ng team ang former champions na Team HAQ sa isang win-or-go home series, bago patumbahin ang paboritong RSG Malaysia at ang matikas na Selangor Red Giants sa upper bracket.

Sa grand final kontra Season 8 winner at three-time finalist na team SMG, ipinamalas ng hanay ang kanilang tikas nang kumpletuhin nila ang malupit na comeback sa game one, kasama pa ng pambihirang base defense sa game four.



Bagamat ipinakita ng team SMG ang kanilang tira para itabla ang serye, nanatiling kumpiyansa ang HomeBois na kinalawit ang tagumpay sa huling laro para makuha ang kanilang unang MPL title sa limang seasons.

Sa proseso, nakuha din ng squad ang tiket papunta sa MPLI 2023 at M5 World Championship.

Roster ng Homebois para sa MPLI 2023

PLAYERROLE
Mohamad Zul Hisham “Xorn” Bin Mohd NoorRoamer
Muhammad Nazhan “Chibii” Bin Mohd NorJungler
Muhammad Irfan “Sepat” Bin AujangEXP laner
Rizky “Warlord” AgustianMid laner
Wahyu “Raizel” SaputraGold laner
Muhammad Saiful “Saiful” Bin AujangMid laner

Sundan ang kanilang kampanya kontra sa pinakamalalakas na Mobile Legends teams sa mundo sa MPLI.

Gugulong ang torneo magmula November 15 hanggang 19 sa GBK Basketball Hall sa Jakarta, Indonesia. Maaaring makabili ng tickets sa playoffs sa KiosTix, ang official ticketing partner ng liga.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita at guides patungkol sa Mobile Legends.

BASAHIN: Road to MPLI 2023: Ito na bang taon na makukuha ng mga Pinoy ang mailap na tropeyo?