Dumagundong ang Suntec City Mall makaraang nakawin ng Team Flash ang tagumpay sa malagkit na seven-game serye kontra RSG SG sa gumulong na grand finals ng MPL SG Season 6.

Ito ang unang kampeonato ng koponan matapos dominahin ng RSG SG ang kumpetisyon sa tatlong magkakasunod na seasons.

Dumating ito bilang sopresa sa karamihan sapagkat dumaan ang Team Flash sa komprehensibong roster change bago magsimula ang season kung saan nagsama ang beterano’t mga baguhan na humarap sa matatatag na teams.

Sa tagumpay, tanan ngayon ng pangkat ang responsibilidad na maging kinatawan ng Singapore sa inaabanangan Mobile Legends: Bang Bang Professional league Invitational 2023 (MPLI 2023), kung saan haharapin nila ang mas malaking hamon.



Gaano kalakas ang Team Flash papunta sa MPLI 2023?

Team Flash ang hinirang na kampeon ng MPL SG Season 6
Credit: Moonton Games

Ito ang unang pagkakataon na magpapakita ang Team Flash sa isang international MLBB tournament.

Sa ulo ng kanilang kampanya ay si Bellamy “Lolsie” Yeov, isang standout player na hiniram ng team mula sa RSG SG.

Kaagapay ni Lolsie si Adam “Adammir” Chong na dating EXP laner ng Bleed Esports, at ang Pinoy na si Jaymark “Hadess” Lazaro na dating jungler ng Geek Fam Indonesia.

Dala nina Lolsie at Adammir ang malawak na karanasan sa international pro play dahil sumabak na ang dalawa sa M World Series. Bukod dito, makailang-ulit na din nila nahawakan ang tropeo ng MPL SG sa kani-kanilang mga karera.

Si Hadess, bagamat wala pang natamong tagumpay bukod sa katatapos lamang na MPL SG Season 6, ang nagsilbing haligi ng team papunta sa kampeoanto ng Team Flash.

Team Flash hawak ang tropeyo ng MPL SG Season 6
Screenshot ni Julian Elona/ ONE Esports

Kinilala ang jungler sa kaniyang ambag sa koponan ng hirangin siya bilang Week 4 MVP, at kaluanan, ang MVP gantimpala sa grand finals.

Sa sobrang laki ng ibinigay ni Hadess sa koponan ay pati ang coach ng team na si Eugene “Kayzeepi” Kong ay nagbiro na dapat tawagin ang Team Flash na Hadess Esports sa gitna ng kanilang selebrasyon.

Ganito man, hindi lamang indibidwal na talento ang mayroon sa Team Flash dahil ipinakita nila sa gumulong na season ang kanilang tindig kahit na sa pinakadehadong mga sitwasyon.

Makikita ito ng maigi sa grand final kung saan nagawa nilang baliktarin ang ihip ng serye nang kuhanin nila ang magkasunod na games five at six para gawing best-of-one ang serye.



Ang tibay na ito, kasama pa ng pambihirang macro play at malalim na hero pool ni Hadess ang siyang dapat abangan ng mga miron mula sa Singaporean team sa inaabangang kumpetisyon sa Jakarta.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita at guides patungkol sa Mobile Legends.

BASAHIN: Road to MPLI 2023: Ito na bang taon na makukuha ng mga Pinoy ang mailap na tropeyo?