Bagamat limang kumpletong linggo pa lamang ang lumilipas sa regular season ng MPL Indonesia Season 9, inilahad ni Indonesian MLBB national team head coach James “Jamesss” Chen ang paborito niyang koponan para tanghaling kampeon.

Bilang coach, pumili si Jamesss ng pitong manlalaro para buuin ang Indonesian national team na sasabak sa 31st Southeast Asian Games. Ang mga ito ay sila Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar, Rivaldi “R7” Fatah at Calvin “Vynnn” ng RRQ Hoshi, Gilang “SANZ”, Nicky “Kiboy” Fernando at Calvin “CW” ng ONIC Esports at Ihsan “Luminaire” Besari Kusudana ng EVOS Legends.

Credit: PBESI

Sa madaling salita, ang pitong manlalaro na ito ang tingin ni Jamesss na pinakamagagaling sa kani-kanilang role. Pero ang nakakagulat ay wala sa kanilang mga koponan ang pinaniniwalaan niyang magbubuhat ng tropeo sa pagtatapos ng MPL ID Season 9.


Aura Fire ang tingin ni Jamesss na magkakampeon ngayong season

Nang tanungin ng media, pinili ni Jamesss ang Aura Fire na makakakuha ng kampeonato sa MPL ID S9. Sa katunayan, noong nakaraang season pa lang ay makaagaw-pansin na agad ang koponan na pinangungunahan ni coach Reza Pahlevi.

“Saya pikir, Aura adalah tim yang sangat bagus saat ini. Musim lalu saya pernah ditanya mengenai siapa goldlaner terbaik di Indonesia dan saya menjawab Kabuki. Dan di musim ini, mereka benar-benar luar biasa, meskipun masih ada beberapa kelemahan,” wika ng coach ng Team SMG na nagwagi sa MPL Malaysia Season 8

(Sa tingin ko napakalakas ng Aura ngayon. Noong nakaraang season ay natanong ako kung sino ang sa tingin kong best gold laner at ang sinagot ko ay si Kabuki [Leonardo “Kabuki” Prasetyo Agung]. At ngayong season, talagang outstandings sila, bagamat may ilan pa silang kahinaan.)

“Tentu saja saya juga sangat memperhitungkan RRQ dan ONIC, tetapi Aura adalah tim yang harus diperhitungkan oleh semuanya (Siyempre kinokonsidera ko rin ang RRQ at ONIC, pero ang Aura talaga ang tingin din ng karamihan na magkakampeon ngayon),” dagdag pa ng naging coach ng RRQ Hoshi na nagtagumpay sa MPL ID Season 5.


Ang tsansa ng Aura Fire na masungkit ang titulo sa MPL ID Season 9

Credit: Instagram/MPL ID

Sa limang linggong bakbakan sa MPL ID S9, pumangatlo ang Aura Fire sa standings na may 6-3 series win-loss record. Dehado lang sila sa second-placer at reigning champion ONIC Esports pagdating sa game wins habang isang series victory lang ang pagitan nila sa league-leader na RRQ Hoshi.

May limang matches pang natitira ang Aura sa regular season kung saan haharapin nila ang Bigetron Alpha, RRQ Hoshi, Geek Fam ID, Alter Ego at Rebellion Zion.

Kung titignan ang tumatakbong kampanya ng Aura sa MPL ID S9, ang koponan na dapat talaga nilang paghandaan ay ang RRQ Hoshi dahil sa unang paghaharap nila, nakalasap sila ng 0-2 sweep sa kamay ng “King of kings”.

Bagamat maganda naman ang record nila laban sa ibang koponan at karamihan sa mga ito ay natalo nila, hindi ito garantiya na mananalo ulit ang Aura sa muli nilang pagkikita.

Patunay nito ang Week 5 match nila kontra ONIC Esports. Nanalo sila Erico “God1va” sa pamamagitan ng 2-0 sweep sa unang laban pero nakabawi sila Gilang “SANZ” sa parehong iskor sa muli ikalawa nilang sagupaan.

Interesanteng makita kung tama ang hula ni Jamesss na Aura Fire ang magkakampeon o may ibang koponan na makakamit ito ngayong season.


Salin ito ng artikulo ni Verdi Hendrawan ng ONE Esports Indonesia.