Gamay na ni ONIC PH star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol ang paglalaro sa isang on-site setting gaya ng pinapatakbo ngayon sa MPL Philippines Season 9.

Ito ang inilahad ng tinaguriang “The Present” ng PH Mobile Legends pro scene sa panayam pagkatapos ng kanilang kapana-panabik na 2-1 reverse sweep laban sa “super team” ng ECHO.


Wala nang kaba sa offline setup si Kairi

Kairi ng ONIC PH
Credit: ONE Esports

Sa post-match interview kasama si MPL PH host Mara Aquino, inamin ni Kairi na huli siyang nakaramdam ng pressure sa isang on-site setting noong hinarap nila ang Blacklist International sa M3 World Championship grand finals.

Hindi natin masisisi ang 16-year-old jungler dahil ang M3 ang kauna-unahang pagsalang niya sa face-to-face tournament mula pa noong makapasok siya sa MPL bilang miyembro ng Blacklist sa Season 6 at malipat sa ONIC sa sumunod na season.

Pero matapos ang kanilang naglalagablab na upper bracket run patungo sa championship series ng M3 kung saan winalis nila ang RSG SG, RRQ Hoshi at BloodThirstyKings, ngayon ay mas malakas na ang loob ng dating prodigy na tubong Limay, Bataan pagdating sa offline competition.

“Ako po nawala na ‘yung pressure sa’kin ‘di katulad ng dati na kahit on-site na,” wika ni Kairi.

“Siguro po noong Season 8 (ako huling nakaramdam ng pressure), nung laban namin sa Blacklist sa M3 finals. Simula doon na-control ko na ‘yung emosyon ko hanggang madala ko sa mismong laro.”

At ang mismong compsure at confidence na ito ang ipinamalas ng isa sa kinikilalang best junglers sa buong mundo sa deciding Game 3 ng kanilang mahigpit na sagupaan kontra ECHO, na tinukoy pa ni ONIC veteran EXP laner Gerald “Dlarskie” Trinchera bilang pinaka-paborito niyang laban sa kanyang career.

Hawak-hawak ng ECHO ang kalamangan at kasama pa ang Luminous Lord sa tangkang final push, on-point na binitaw ni Kairi sa kanyang Helcurt ang Dark Night Falls ultimate at pinasabog si Karl “KarlTzy” Nepomuceno (Lancelot) gamit ang full stack na Deadly Stinger maging si Tristan “Yawi” Cabrera na na-pop ang Immortality.

Pinatumba pa nila Jaylord “Hatred” Gonzales (Kagura) at Marky “Markyyyyy” Capacio (Wanwan) si Yawi at dalawa pang miyembro ng ECHO bago sumila rumekta sa base at ipawalang-bisa ang depensa ni Jankurt “KurtTzy” Matira (Yve) upang maiselyo ang matamis na panalo.

Tumikada si Kairi ng 7/4/8 KDA at bumitaw ng mahigit 58k damage para pangunahan ang 17-minute comeback ng ONIC PH sa panapos na laro.

Masaya ang MPL PH Season 8 “First Team” member hindi lang dahil sa resulta pero dahil din sa kung gaano ka-intense ang serye.

“Ang gandang laban kasi parehong team binibigay ang lahat. Walang kinakabahan. Kumbaga, walang takot mamatay, walang takot mag-go. Nabigay ng lahat ng players ‘yung all nila, ‘yung lahat ng na-practice nila.”

Natulungan ni Kairi na makaakyat ang ONIC PH sa No. 4 spot (10 points, 4-2 series record) at susubukan nilang i-extend ang kanilang two-game winning streak kontra sa isa pang mabigat na kalaban sa anyo ng RSG PH mamayang ika-8 ng gabi.


Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para masundan ang mga pangyayari sa MPL Philippines.