Kumbinsido ang Nexplay EVOS roamer na si Mico “Micophobia” Quitlong na kaya niyang makipagdikdikan sa kahit kanino sa MPL Philippines Season 10.
Iyan ang ipinahayag ni 25-anyos na pro sa media matapos tulungan ang kaniyang koponan na walisin ang paboritong TNC Pro Team ML sa loob lamang ng dalawang laro para makamit ang una nilang panalo sa regular season.
Aniya, simula pa noong nakaraang season ay kumpiyansa na siya sa kaya niyang ipakita sa loob ng laro. At ngayong nabigyan nang pagkakataong hawakan ang role bilang starter sa NXPE, tiwala daw siya na makakatulong ito sa pag-usbong pa lalo ng kaniyang play.
Malaking tulong din daw aniya ang mabilis na transisyon niya papunta sa hanay ng White Tigers ng MPL PH. “Ngayong season po, sobrang dali lang po nabuo ng synergy namen. Kasi sobrang dali lang po nila i-approach. As in one week lang po, naging okay na po kami,” kuwento ni Micophobia.
Micophobia ipinaliwanag ang backdoor play sa Game 1 kontra TNC
Hindi naman binigo ni Micophobia ang tiwalang ipinagkaloob sa kaniya ng kaniyang teammates sa pangunguna ni Paulo “Coach Pao” Villanueva.
Partikular na ipinamalas ng pro ang kaniyang husay gamit ang Natalia sa game one kung saan nilusutan niya ang mga miyembro ng TNC mula sa top side para basagin ang kanilang base para epektibong nakawin ang unang mapa ng serye.
“Sobrang nakakatuwa po kasi ‘di ko ineexpect na maiisip ko yun. Nasa isip ko lang nun is mag-recall na kasi wala na akong skills, wala na rin akong buhay so kumbaga sinugal ko na lang din,” paglalahad ng itinanghal na MVP ng game one.
Hindi na rin naman daw bago ang paggamit niya ng Natalia dahil season 7 pa lamang ay isinasalang na niya ito sa pro play. “Ngayon lang nagka-chance na ma-pick kasi sobrang laki ng tiwala sakin ng teammates ko.”
Maaalalang ito rin ang ginamit ng NXPE roamer sa gitgitan kontra Blacklist International sa game two ng W1D1 matchup kung saan nakalawit din niya ang MVP parangal. Susi sa nasabing laro ang kaniyang in-and-out plays at mataas na damage output na pumugo sa early game ng BLCK at epektibong basagin ang pamoso nilang UBE strategy.
Susubukan ni Micophobia at ng kaniyang NXPE na ipagpatuloy ang kanilang arangkada kontra sa dati niyang team na ONIC Philippines sa August 20, Sabado.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuling balita sa MPL PH.
BASAHIN: Back-to-back comeback tampok sa tagumpay ng Blacklist International kontra Smart Omega