Tuloy ang depensa ng Smart Omega sa kanilang titulo sa Mobile Legends Southeast Asia Cup samantalang nanaig naman ang RRQ Hoshi at Orange Esports sa MSC 2022 Group Stage Day 2.

Bagamat hindi nakakuha ng series win, nakalusot pa rin ang defending MSC champion sa playoffs habang nasungkit ng kampeon ng MPL Indonesia na RRQ ang top spot sa Group C.

Namayagpag naman ang home team na Orange sa Group D laban sa EVOS SG ng Singapore at Impunity KH ng Cambodia.


MSC 2022 Group Stage Day 2 recap

RRQ Hoshi ang hari sa Group C, Smart Omega pasok pa rin sa playoffs

RRQ Hoshi sa MSC 2022 Group Stage Day 2
Photo courtesy of MSC 2022

Nagpasiklab agad ang Smart Omega sa pagsisimula ng kanilang title defense nang durugin nila ang IDONOTSLEEP sa kill score na 17-1 sa loob lang ng 14 minuto sa Game 1. Mahusay na pinagana ni veteran captain Patrick “E2MAX” Caidic ang support Julian na tumikada ng 5/0/7 KDA at 43K damage para tanghaling MVP ng laro.

Ngunit nagawang itabla ng IDNS ang serye gamit ang kanilang highly-mobile draft sa Game 2 na pinangunahan ng Fanny ni Phumin “Loysss” Inthachot at Natalia ni Piya “Zanri” Sriwilat.

Sa sumunod na serye sa grupo, mabilis na winalis ng RRQ Hoshi ang IDNS sa likod ng Esmeralda ni Rivaldi “R7” Fatah sa Game 1 at Ling ni Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar sa Game 2.

Nanatiling mainit ang “King of kings” sa kanilang inabangang bakbakan kontra sa “Kings of SEA” na Omega. Dinikta ng RRQ ang tempo ng Game 1 mula sa simula hanggang sa dulo salamat sa asintadong Franco ni Calvin “VYN” para ilista ang 17-5 victory sa loob ng 17 minuto.

Pero bumawi ang OMG at naipilit ang 1-1 draw sa pagsasanib-pwersa ng Karina ni Dean “Raizen” Sumagui at Wanwan ni MSC 2021 MVP Duane “Kelra” Pillas upang ipako ang 10-3 win sa Game 2 na tumagal ng 16 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Parehong umabante ang Omega (2 points) at RRQ (4 points) sa playoffs habang napatalsik naman ang IDONOTSLEEP (1 point) sa kanilang grupo.


Orange Esports bumandera sa Group D

Photo courtesy of MSC 2022

Hindi ipinahiya ng Orange Esports ang kanilang home fans sa Malaysia at sinunggaban ang top seed sa Group D hawak ang kanilang 4 points.

Naging mahigpit ang unang serye ng home squad sa MSC 2022 Group Stage Day 2 laban sa Impunity KH. Pinagbidahan ng Wanwan ni Luk “Valenz” Yip ang panalo ng OE sa Game 1 ngunit nadala ng Johnson-Kadita combo nila Tan “Tyyy” Yuongty at Chan “Senpai” Soksreng ang IMP tungo sa tagumpay sa Game 2.

Pero kontra sa EVOS SG, sinigurado ng Orange na makakapitas na sila ng playoffs spot. Binigyan nila ng espasyo ang Wanwan ni Valenz para makapag-farm at buhatin ang koponan sa late game patungo sa 16-minute win sa Game 1 habang isang malupit na four-man Fatal Links setup naman mula sa Atlas ni Aimin “Minn” Anuar ang nagbigay ng panalo sa Game 2.

Sinelyo naman ng EVOS SG ang huling playoffs spot matapos nilang walisin ang Impunity KH sa pangunguna ng Wanwan ni Adam “Adammir” Chong sa Game 1 at Cyclops ni Basil Lim “Seilah” Dao Ze sa Game 2. Nagtapos ang EVOS SG na may 3 points habang ang IMP ay nakakuha lang 1 point.


Kumpleto na ang playoff teams matapos ang MSC 2022 Group Stage Day 2

Pasok sa playoffs ang Falcon Esports at Todak mula sa Group A, RSG PH at RSG SG mula sa Group B, RRQ Hoshi at Smart Omega mula sa Group C maging ang Orange Esports at EVOS SG mula sa Group D. Natanggal naman sa group stage ang ONIC Esports, See You Soon, IDONOTSLEEP at Impunity KH.

Credit: ONE Esports

Ang MSC 2022 playoffs ay gaganapin mula ika-14 hanggang ika-19 ng Hunyo. Ang upper bracket first round ay best-of-three habang ang mga natitirang serye ay best-of-five na, maliban sa grand finals na best-of-seven.

Manatiling nakatutok sa mga kaganapan sa MSC 2022 maging sa MLBB sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.