Pinangalanan ni Victor ng BloodThirstyKings, o BTK, si Nathanael “Nathzz” Estrologo bilang ang pinakahinahangaan niyang Filipino Mobile Legends: Bang Bang player.

Nang dumayo ang North American team sa Pilipinas noong nakalipas na ilang linggo, eksklusibong nakapanayam ng ONE Esports ang EXP Laner tungkol sa kanyang mga karanasan at pananaw sa mga MLBB scene ng bansa.

Sobrang lakas daw ng PH server, bagay na hindi naman niya ikinagulat at inasahan pa nga. Nang tanungin naman kung sinong manlalaro o aling koponan ang nais niyang makalaro habang nasa Pilipinas, pinangalanan ni Victor ang EXP laner ng RSG Philippines, pero hindi lang dahil sa taglay nitong husay.

“Watching him gave me nostalgia and gave me back the passion I’ve lost for gaming,” paliwanag ni Victor.

(Nostalgic ang panoorin siya, naibalik niya ang nawalang passion ko sa gaming.)

Nathzz, pinuri ni BTK Victor: '[He] gave me back the passion I've lost for gaming'
Credit: MPL Philippines

Malaki ang ginampanang papel ng 15-taong-gulang na pro para mapagtagumpayan ng RSG PH ang MPL Philippines Season 9. Siya pa nga ang pinarangalan bilang finals MVP dahil sa ipinamalas niyang husay sa paggamit ng Esmeralda at Dyrroth.

“I would like to versus him or even have a conversation with him (Nathzz). [I have] nothing but respect for him,” dagdag ni Victor.

(Gusto ko siyang makalaro o makausap. Wala akong maiaalay sa kanya kung hindi respeto.)

Nathzz, RSG PH babandera sa MSC 2022 playoffs

Nathzz, pinuri ni BTK Victor: '[He] gave me back the passion I've lost for gaming'
Credit: MPL Philippines

Bagamat may nakamit nang kampeonato, tiyak na hindi pa tapos ang pangingibabaw ni Nathzz at ng buong RSG PH.

Magpapatuloy sila sa entablado ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022) bilang isa sa mga kinatawan ng Pilipinas kasama ang Smart Omega.

Patunay ang pag-araro ng ‘Kingslayers’ sa group stage sa kung bakit sila ang pinakapaboritong magtagumpay sa turneo. Sila lang ang tanging koponang nakapagtala ng perpektong record sa nasabing yugto ng palaro.

Sisimulan nila ang kanilang kampanya sa playoffs kontra Falcon Esports, ang kinatawan ng Myanmar. Masusubaybayan ang mga laban sa MSC 2022 sa mga sumusunod na official livestreams na matatagpuan dito.


Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: BON CHAN inilahad ang sikreto ng Falcon Esports sa magilas nilang performance sa MSC 2022 Group Stage