Bago kilalanin bilang ang pinakamahusay na duo sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League, kinailangan munang dumaan nina Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario sa mga pagsubok.

Sa isang meet and greet session kasama ang OhMyV33nus at Wise noong unang araw ng CONQuest Festival 2022, isang gaming at pop culture convention na niraos sa SMX Convention Center, ibinahagi ng dalawa ang kanilang karanasan sa ilalim ng ONIC Philippines noong nagsisimula pa lang ang kanilang karera.

Bago lumipat sa Blacklist International, naglaro ang dalawa sa ilalim ng ONIC PH ng tatlong seasons, simula noong MPL Philippines Season 4, kung saan pinangunahan nila ang koponan sa dalawang magkasunod na grand final apperances noong Season 4 at 5.

Mas maagang natuldukan ang kanilang kampanya noong Season 6 matapos silang talunin ng Bren Esports sa semifinals ng lower bracket para pumirme sa ika-apat na puwesto.

Mapait na karanasan para kay OhMyV33nus ang matalo sa Bren Esports, pero ang nangyari matapos nito aniya’y ang pinakamababang punto ng kanilang karera bilang MLBB pros.

Akala raw nina OhMyV33nus at Wise na ‘the one’ na ang ONIC PH

Patunay sina OhMyV33nus at Wise na nagbubunga ang pagpupursige
Credit: Tammy David/Evident

Kung sina OhMyV33nus at Wise lang daw sana ang masusunod, gusto raw sana nilang manatili sa ONIC, pero pinakawalan sila ng koponan.

Nais nga raw sana nilang mag-retire bilang players ng ONIC kaya’t hindi nila mapigilang malumbay nang ilaglag sila mula sa roster nito.

Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, inamin ni Wise na binalak na lang nilang maging full-time streamers dahil walang koponan ang gustong kumuha sa kanila bilang duo.

Ito ay bago sila kontakin ng Blacklist International para tanungin kung makakapaglaro ba sila sa ilalim ng koponan para sa MPL PH Season 7.



Anong nangyari sa V33Wise duo pagkatapos?

Patunay sina OhMyV33nus at Wise na nagbubunga ang pagpupursige
Credit: Jonmar Villaluna

Sa kabutihang palad, hindi nagtagal ang naturang pagsubok lalo na’t agad naiparamdam nina OhMyV33nus at Wise ang kanilang presensya sa liga. Gumawa sila ng kasaysayan matapos iselyo ang back-to-back championship titles noong MPL PH Season 7 at 8.

Sila rin ang nag-angat ng pinaka-aasam na tropeo sa laro matapos mapagtagumpayan ang M3 World Championship noong nakaraang taon.

Nagpahinga ang V33Wise pagpasok ng ikasiyam na season ng liga pero nagawa pa rin nilang irepresenta ang Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games (SEA Games), para depensahan ang gintong medalya kontra Indonesia.

Inaabangan ngayon ang pagbabalik nina OhMyV33nus at Wise sa ika-10 season ng MPL PH kasama ang mga world champions na sina Edward Jay “EDWARD” Dapadap, Kiel “OHEB” Soriano, at Salic “HAD JI” Imam.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.

BASAHIN: BON CHAN sa direksyon ng Blacklist sa S10: ‘Gagapangin ulit namin simula sa ilalim’