Hindi lamang four-game winning streak ang sinasakyan ng ONIC PH sa gumugulong na MPL Philippines Season 10. Kasunod ng pagpapabagsak sa Smart Omega sa Week 3 Day 2 bakbakan, nakumpleto na ng bagitong team na paluhurin ang tatlo sa Pinoy teams na umalagwa sa international competitive play simula noong 2021.

Bokya sa yellow hedgehog team ang MPL PH S9 at MSC 2022 champions na RSG PH sa Week 2. Pagdako naman ng Week 3 ay magkasunod na binigyan ng ONIC PH ang M3 at 2022 SEA Games champions na Blacklist International at MSC 2021 champions na Smart Omega.

Credit: MPL Philippines

Bagamat masaya sa narating nila ngayong season, mananatili raw na mapagkumbaba ang koponan ayon kina Mark Kevin “Coach Bluffzy” Delos Reyes Reyes at Jeffrey “Coach J” Manforte.


ONIC PH masaya sa kanilang performance nila ngayong S10 ngunit mananatiling nakapokus sa pagkuha ng kampeonato

Credit: ONE Esports

Sa post-match interview kasama ang media, inamin nina Coach Bluffzy at Coach J na masaya sila sa ipinapakitang performance ng kanilang team sa gumugulong na season. Gayunpaman, batid nilang maaga pa masyado para magdiwang dahil hindi pa sila tapos sa kanilang misyon na makuha ang MPL korona.

Kuwento ni Coach Bluffzy, “Masaya kami sa totoo lang. Sobrang saya namen. Pero lagi ko lang inaano sa kanila na hindi natin talaga puwede pang ilagay sa ulo natin yung mga nangyayare. Kasi actually, isang ikot pa lang siya at gaya ng sinabe ko sa inyo kanina, magkakaroon ng one big patch.”

Credit: MPL Philippines

Inaantabayanan daw nila ang nasabing patch na ito at gugugulin nila ang kanilang oras para maka-adapt sa malaking pagbabagong dala nito. “Pero sa ngayon we stay disciplined. Siyempre kung ano ginagawa namen, kung ano yung pinapakita namen, mas dadagdagan pa namen,” dagdag ng pro-turned coach.

Ito rin ang pakiramdam ni Coach J sa estado ng ONIC PH sa gumugulong na season. Aniya, “Ayaw namen mag-stay sa kung ano yung nakuha namen sa araw na’to. Hangga’t ‘di pa natatapos yung season 10, hindi kami puwedeng magpabaya sa kung anong sinimulan namen.”

Credit: MPL Philippines

Pagkatapos gapiin ang Smart Omega para sa kanilang ikalimang panalo sa anim na laro, pagtitibayin ng ONIC PH ang kanilang posisyon sa tugatog ng regular season standings. Nakalikom na ng 13 points ang koponan para pangunahan ang lahat ng teams bago pumasok sa ikalawang bahagi ng regular season.

Para sa mga balita tungkol sa MPL PH at marami pang iba, sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: ONIC PH tinanggal si ChooxTV, kumite ng MPL PH magpapataw ng parusa