Dalawang pambato nanaman ng Pilipinas na RSG PH at Echo ang maglalaglagan sa MPL Invitational 2021 (MPLI 2021) ng ONE Esports.
Matapos ang paghaharap ng ONIC Philippines at Smart Omega noong ikalawang araw ng turneo, tiyak na malalagasan nanaman ng isang kinatawan ang bansa dahil sa pagku-krus ng landas ng RSG PH at Echo para sa quarterfinal slot.
Magaganap ang bakbakan dahil naka-usad ang dalawang koponan sa unang round ng group stage. Parehong in-eliminate ng RSG PH at Echo ang kanilang sister teams na RSG SG at Aura Fire para magharap sa ikatlong araw ng turneo.

Head-to-Head: RSG PH at Echo
Hindi na strangers ang RSG PH at Echo sa isa’t-isa. Dalawang beses na nagharap ‘tong mga ‘to noong regular season ng MPL PH Season 8 pero pinagtagumpayan ng RSG PH ang parehong bakbakan na ‘yon.
Pero sa kabila nito, marami pa ring factors na kailangan i-consider pag dating sa resulta ng laban. Kaya naman sa muling pagtatagpo ng dalawang koponan, tinanong ng ONE Esports Philippines ang mga Filipino talents ng MPLI 2021 kung ano nga ba ang dapat nilang gawin para manaig sa nahaharap na laban.
Ang mga susi sa tagumpay ng RSG PH

- Pwersahin sina RK3 at Rafflesia na lumaban nang lumaban.
- Bantayan si KurtTzy at ang kanyang potensyal na gumawa ng plays.
- Guluhin ang jungle pattern ni Hadess.
- Ipanalo ni Heath ang crowd control war o man-to-man defense kontra Rafflesia.
Walang bakas ng kaba ang nakita sa Yve at Pharsa performance ni Rion “RK3” Kudo noong kinalaban nila ang Aura Fire, kahit na ito pa ang una niyang opisyal na laban kontra international team.
Kaya ayon kay Butters, mahalagang maipit at mahuli ‘to, pati na rin ang Tank/Roam nilang si Rafflesia, habang nasa ‘di kagandahang pwesto. Mangyayari ‘to kung matutulak ng RSG PH ang Echo na lumaban nang lumaban.
Gaya kung paano nila tinalo ang Echo dati, ‘di rin dapat kalimutan ng RSG PH ang kalabang playmaker na si Jankurt “KurtTzy” Matira at Jungler na si Jaymark “Hadess” Lazaro.
Ang mga susi sa tagumpay ng Echo

- I-ban ang mga comfort picks ni Demonkite.
- Kunin o i-ban ang mga Rafaela o/at Mathilda ni Heath.
- Maghanda para kay Emann at sa mga pick niya.
- Guluhin si Emann at para ‘di maging kumportable.
Inilabas ng RSG PH sa unang pagkakataon para sa MPLI 2021 ang rookie nilang si Eman “Emann” Sangco. Gaya ni RK3, nagkilos beterano ang baguhan noong laban nila kontra sister team na RSG SG.
Nagpakitang-gilas bilang Marskman sa gold lane si Emann, kaya’t marapat lang na respetuhin ito ng Echo sa kanilang paghaharap, ayon sa analyst na si Renmar Santa Cruz. Gayun din ang dapat gawin kontra best rookie ng MPL PH S8 na si Jonard “Demonkite” Caranto.
At dahil nga ito rin ang unang sabak ni Emann sa isang opisyal na turneo, nabanggit ni Leo na makatutulong din para sa kanila kung pupuntiryahin nila ang manlalaro hanggang sa magulo ang laruan nito.
Gaganapin ang bakbakan sa pagitan ng RSG PH at Echo sa MPLI 2021 ngayong ikatlo ng Nobyembre, sa ganap na ika-isa ng hapon.
Masusubaybayan ang opisyal na Filipino broadcast ng MPLI 2021 sa ONE Esports Philippines Facebook page, pati na rin sa YouTube channel ng ONE Esports.
BASAHIN: RSG PH sa kanilang paglahok sa MPLI: ‘We are very confident’