Malinis na trinabaho ng RSG Singapore (RSG SG) ang mga nakatunggali sa Group B para ipagpatuloy ang kanilang kampanya sa Knockouts sa gumugulong na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023) sa Phom Pehn, Cambodia.

Hindi pinaporma ng MPL Singapore Season 5 champions ang home team Fenix Esports at ang paboritong EVOS Legends na magkasunod nilang itinumba para maging pangalawang kampeon kasunod ng ECHO na lalarga sa susunod na round.


RSG SG umalagwa sa MSC 2023 Groups

Credit: MSC 2023

Binuksan ng RSG SG ang kanilang kampanya sa MSC 2023 sa pamamagitan ng isang dominanteng performance kontra Fenix Esports para biguin ang pag-asa ng host country.

Ito ay karugtong ng pambihirang hawak sa Novaria ng midlaner na si Royven “Roy” Tan (4/0/13 KDA) na muli’t-muling pumukol ng long range magic damage para tambakan ang home team sa 20-5 kill score sa unang mapa.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bagamat sumubok ang mga taga-Cambodia na rumebanse, hindi nila napigilan ang tikas ng MPL SG champions na ipinagpatuloy ang kanilang atake sa game two sa likod ng Beatrix ni Fawzan “Okky” Herdiatna. Matalinong pumuwesto si Okky sa kaniyang marksman para pagbabarilin ang mga miyembro ng Fenix para ipako ang swabeng 9/1/6 KDA at maisarado ang serye sa 2-0 series sweep.


Kontra sa EVOS Legends ng Indonesia, muling inapakan ng RSG SG ang silinyador para patunayan na sila ang pinakamalakas na team sa grupo. Umuwing dismayado ang White Tigers kortesiya ng kapwa nila na Indonesian na si Nyoman Dehi “Lucianqt” Pranipata na ipinakita ang kaniyang pagka-maestro sa roamer role sa dalawang larong kinalahukan.

Susi ang kaniyang pitik ng Divine Justice Ultimate hawak ang Kaja sa Beatrix ni Jabran “Branz” Wiloko sa gumulong na team fight sa ika-24 minuto ng laro. Kalaunan ay nakuha ng pangkat ang tatlong miyembro ng EVOS at ang sapat na puwang para tuluyang mabaliktad ang laro.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Kung naghabol ang RSG SG sa game one ay kabaliktaran naman ang pinagulong ng team sa ikalawang mapa sa likod ng cheese pick Badang ni Yeo “Diablo” Lun sa EXP lane na hindi pinaporma ang Indonesians. Partikular na nabiktima ni Diablo ang Fanny ni Darrel “Tazz” Wijaya na mul’t-muling napitas sa early game, dahilan para makuha ng RSG ang snowball.

Kinailangan mang kumatok ng makailang ulit ay nagawa ng Singaporeans ang kanilang trabaho para tuluyan ang EVOS sa ika-23 minuto kasama ang Evolved Lord.

Sa tagumpay, aarangkada ang RSG SG papunta sa Knockout Stage na gaganapin sa June 15.

Manatiling nakatutok sa pinakahuli sa MSC 2023 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Nais makatapat ni Yawi ang mga players na ito sa MSC 2023