Matagumpay ang unang salang ni Nowee “Ryota” Macasa at ng kaniyang ONIC Philippines sa MPL Philippines Season 10.

Ito ay matapos nilang biguin ang Bren Esports gamit ang malupit na comeback sa game three kung saan natagpuan nila ang kanilang sarili sa 10.6k gold deficit 13 minuto sa laro, bago bunutin ang huling alas sa likod ng Faramis composition para ilista ang kanilang unang panalo ngayong season.

Hindi maitatanggi na parang nabunutan ng tinik ang huling mainstay mula sa matikas na ONIC PH MPL PH S9 lineup, lalo pa’t kasabay ng kaniyang tagumpay ay gayundin ang pagpupunyagi ng dati niyang teammates sa labas ng liga.

Pag-aamin ni Ryota, proud raw siya sa ginagawa ng mga taong tinuring niyang kaibigan at kapamilya.


ONIC PH Ryota: ‘Kapag may na-achieve sila sobrang proud ako’

Credit: MPL Philippines

Sa post-game press conference, inamin ng starting EXP laner ng ONIC PH sa media na kung anong saya ang nararamdaman niya sa unang panalo ng team ngayong season ay gayundin ang nararamdaman niya para sa tagumpay ng ex-teammates.

Kuwento ni Ryota, “Ayon siyempre nung nagkahiwa-hiwalay kame, sa aken malungkot pero habang nakakahanap sila ng team, masaya ako para sa kanila kase nakahanap sila ng team. Mas tuloy-tuloy yung pangarap nila. Makapag-champion lang sila masaya na ako.”

“Nung una kasi ano, siyempre malungkot para aken kasi matagal ko na silang kasama tapos in-expect ko sila makakasama ko sila sa nitong season 10,” pagtutuloy niya.

Idinetalye din ng 19-anyos ang ilan sa mga pagkakataong nagalak siya sa naabot ng mga ito. “Yung mga unang nag-MVP— si Hate, sunod si Mico, si Baloy. Siyempre proud kami sa kanila kasi hindi naman naiwan yung pinagsamahan namen. Kumbaga sobrang close namen sa isa’t-isa.”

Paglalahad niya “Kapag may na-achieve sila sobrang proud ako.”

Credit: ONE Esports

Dagdag pa nga ni Ryota, kung may aabangan daw siyang matchup sa MPL Indonesia, nais daw niyang makita ang EVOS Legends at ONIC Esports. Matatandaang bibida para sa dalawang team ang dating ONIC PH stars na sina Kairi “Kairi” Rayosdelsol katuwang ang coach na si Denver “Coach Yeb” Miranda para sa Yellow Hedgehogs, at si Gerald “Dlar” Trinchera para naman sa White Tigers.

Sa panig naman niya dito sa MPL PH, klaro kay Ryota ang dapat gawin bilang beterano ng team. “Ang ginagawa ko nagbibigay ako sa kanila ng mga tips— mga di pa nila nalalaman ganon. Nagsusuggest din ako sa kanila ng mga dapat gawin ganoon. Nakikinig naman sila.”

Credit: MPL Philippines

“Ang trato namen sa isa’t-isa, pare-pareho. Di porket veteran, dapat mas maangas ako. Di po ganon. Kumbaga nakikisama ako sa kanila. Ako po yung nag-aadjust,” sabi ng batang pro.

Sundan ang pinakahuli sa MPL sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kaba, excititement, gigil naramdaman ng Blacklist International sa MPL PH S10 opener