Dahil sa malupit niyang galawan lalo na sa kanyang signature hero na Yi Sun-Shin, hinirang ang super rookie ng ONIC Esports na si Gilang “S A N Z” bilang Most Valuable Player sa katatapos lamang na Grand Finals ng ONE Esports MPL Invitational 2021 (MPLI 2021).

Pinangunahan ni Sanz ang 3-1 panalo ng MPL Indonesia Season 8 champion kontra sa back-to-back MPL Philippines titlist na Blacklist International sa championship series ng MPLI.


Ang pasabog na performance ni Sanz ng Onic Esports sa MPLI 2021 Grand Finals

Credit: Sanz Instagram account

Hindi kataka-taka na si Sanz ng Onic ang pinangalanang Finals MVP ng ikalawang edisyon ng MPLI kung saan may nakatayang US$100,000 prize pool.

Bagamat nabigo sa kanyang Paquito sa Game 1 ng title series kung saan nalugmok siya sa 0-4-2 kartada, agad siyang bumawi at nagpakita ng statement game tangan ang kanyang signature hero na tinawag ng mga casters na “Yi Sanz-Shin”.

Pinakita ni Sanz na siya ang posibleng pinakamagaling na YSS user sa buong mundo sa pamamagitan ng pagtala ng perpektong 10-0-3 record at mahigit 100K damage sa kanilang 14-minute win sa Game 2. Hindi nakitaan ng kaba sa dibdib ang pambato ng Indonesia sa pagpasok sa mga clash at pagselyo ng mga pitas gamit ang Traceless.

Sanz ng Onic tinanghal na Finals MVP sa MPLI 2021

Pinagpatuloy ni Sanz ang kanyang naglalagablab na performance sa Paenlong Legend at muling bumida sa Game 3 kung saan malapalos naman ang kanyang galawan. Nada-dodge niya ang mga crowd control abilities ng Blacklist tulad na lamang ng Ejector ng Jawhead ni Salic “Hadji” Imam at sinugurong ‘di siya mahuhuli para mabitawan ang kinakailangang damage.

Sa pangalawang pagkakataon, hindi namatay si Sanz at kumamada pa nga ng limang kills at limang assists matapos magbigay ng mahigit 52K damage sa 12-minute victory.

Na-deny na sa kanya ang YSS sa huling laban pero nagawa pa rin ni Sanz ang kanyang responsibilidad bilang core ng kanyang koponan. Gamit ang Natan, nilista niya ang pinakamataas na damage sa panig ng Onic na umabot sa higit 64K para makakuha ng anim na kills at limang assists kontra sa apat na deaths sa loob ng 17 minuto.

Sa kabuuang kampanya ng Onic ID sa MPLI 2021, tumikada si Sanz ng sumatotal na 37-14-31 kill-death-assist record, nagpakawala ng 3,493.93 average damage per minute at bumulsa ng 762.47 gold per minute.

Nagtala din siya ng 100 percent win rate sa kanyang YSS at Natan sa tatlong serye na nilaro ng kasalukuyang hari ng Indonesia sa naturang torneo na nilahukan ng 20 premyadong koponan sa Southeast Asia.