Matapos kapusin sa MPL Philippines Season 8, gutom ang Smart Omega na makuha ang kampeonato sa ONE Esports MPL Invitational 2021 (MPLI 2021) at ipakita muli ang kanilang dominasyon sa Southeast Asia region.

Nagtagumpay ang Execration (na kinuha ng Omega nitong Season 8) kontra sa Blacklist International sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2021 noong Hunyo para kilalanin bilang “Kings of SEA”.

Sa papalapit na MPLI 2021, gusto nilang pagharian muli ang naturang rehiyon.


Ang mentalidad ng Smart Omega papasok sa MPLI 2021

Smart Omega Mobile Legends
Smart Omega Mobile Legends

“Let’s get it on! We will make it. We want to claim that we will be champions again.”

‘Yan ang tugon ni Smart Omega MLBB team manager Rhea “Persian” Navarro nang tanungin kung ano ang mindset ng koponan sa darating na ikalawang edisyon ng ONE Esports MPL Invitational.

Bagamat kakailanganin ng MPL PH Season 8 third-placer na simulan ang kanilang kampanya sa unang round 20-team tournament, tiwala si Navarro na kaya nilang magsindi muli ng tournament run gaya ng ginawa nila sa MSC at MPL PH Season 7 kung saan nagtapos silang runner-up sa likod ng Blacklist.

“We sometimes make it challenging for ourselves. (But) it could gain us a lot of strategies. It’s more like building up for each and every team,” ani ng former pro player na anim na buwan nang manager ng koponan.

Nais umano nila Billy “Z4pnu” Alfonso at kanyang mga kasamahan na makaharap ang EVOS Legends at Bigetron Alpha sa torneo ngunit nakatakda silang labanan ang Onic PH matapos ang MPLI 2021 Captain’s Draft.

Kung malalagpasan nila ang Onic PH, maaaring makatunggali ng Omega ang EVOS Legends sa susunod na round kung mananalo rin ito kontra sa Indonesian rival nito na RRQ Hoshi.


Raizen posibleng sumabak para sa Smart Omega sa MPLI 2021

Credit: Dean “Raizen” Sumagui

Inilahad din ni team manager Navarro na posibleng mag-international debut si rookie jungler Dean “Raizen” Sumagui sa MPLI.

Isa si Raizen sa mga susi sa pagbangon ng koponan sa mga huling parte ng MPL PH S8 regular season at tuluyang podium finish sa liga. Dahil sa kanyang magandang ipinakita, pumangalawa siya kay RSG PH jungler Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto sa kategoryang Best Rookie.

Ang 17-year-old pro din ang “Most Improved Player” sa loob ng Smart Omega, ayon kay Navarro.


Subaybayan sila Raizen at ang Smart Omega sa ONE Esports MPL Invitational 2021 na gaganapin sa ikalawa hanggang ika-pito ng Nobyembre. Mapapanood ang mga laro sa opisyal na Facebook, TikTok, Twitch, Twitter at YouTube channels ng ONE Esports.