Tukoy na kung sino ang pwedeng makatapat ng Blacklist International sa ONE Esports MPL Invitational 2021 (MPLI 2021) maging ang makakasagupa ng iba pang mga koponan mula sa Pilipinas sa unang round ng torneo.

Ito’y matapos ganapin ang MPLI 2021 Captain’s Draft nitong Linggo ng gabi upang malaman ang kumpletong bracket para sa popular na Mobile Legends: Bang Bang tournament ng ONE Esports ngayong taon kung saan magsasalpukan ang 20 koponan para masunggaban ang kampeonato at ang pinakamalaking parte ng tumataginting na US$100,000 (mahigit PhP5 milyon) prize pool.

Tampok sa MPLI 2021 Captain’s Draft ang mga coach/representative ng mga kampeon mula sa iba’t-ibang MPL regions na Blacklist International (Pilipinas), ONIC Esports (Indonesia), Team SMG (Malaysia) at EVOS SG (Singapore).


Ang mga pinili ni Blacklist International coach BON CHAN sa MPLI 2021 Captain’s Draft

Blacklist International coach BON CHAN sa MPLI 2021 Captain's Draft

Bilang kampeon ng MPL Philippines Season 8, unang pinili ni Blacklist International coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza para sa kanilang bracket ang kampeon ng MPL KH (Cambodia) champion na SeeYouSoon at itinapat ito sa Todak ng MPL Malaysia.

Ayon kay coach BON CHAN, gusto nilang makalaban ang SeeYouSoon dahil sobrang bihira silang makipag-scrim sa Cambodian teams at maaaring sila pa ang maka-break ng kanilang code. Para naman sa Todak, sinabi niyang interesante ang koponang ito dahil sa kanilang out-of-meta drafts.

Sa pangalawang pairing naman sa kanilang bracket, pinares ni coach BON CHAN ang MPL Indonesia squads na Bigetron Alpha at Geek Fam.

Ani ng utak ng sikat na UBE strat, gigil na makabawi ang Blacklist sa Geek Fam na tumalo sa kanila sa nakaraang MPLI habang kinuha naman niya ang Bigetron dahil “Kyy is so popular here in the Philippines especially to girls that’s why we want to bring him in our bracket.”

Aabangan ng back-to-back MPL PH titlist, na nangunguna sa MPLI 2021 power rankings, ang makakabanggan nila sa quarterfinals mula sa apat na koponan na ‘to.


Ang makakalaban ng iba pang PH teams sa MPLI 2021

Magaganap ang isang civil war sa pagitan ng MPL PH Season 8 runner-up Onic Philippines at third-placer Smart Omega matapos silang piliin ng kinatawan ng MPL Malaysia S8 champion Team SMG.

Sa bracket na binuo ni coach Marsam “Mars” Fakhre ng MPL Indonesia S8 winner na ONIC Esports, makakaharap ng RSG PH ang sister team nito na RSG SG habang ang Echo Philippines ay makakasagupa ang affiliated org nito na Aura Fire ng Indonesia.

Nasa bracket naman ng sister org at MPL SG champ EVOS SG ang Nexplay EVOS na makakalaban ang Rebellion Genflix ng Indonesia sa first round.


Kumpletong bracket matapos ang MPLI 2021 Captain’s Draft

Narito ang kabuuan ng bracket sa pagtatapos ng MPLI 2021 Captain’s Draft:

Nakatakdang ganapin ang ONE Esports MPL Invitational 2021 mula ikalawa hanggang ikapito ng Nobyembre. Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na Facebook, TikTok, Twitch, Twitter at YouTube ng ONE Esports.