Binitawan kamakailan ang roster ng EVOS SG at nilinaw ng dating EXP laner ng koponan na si Stefan Chong “Soul” Ru Chyi na hindi roster shuffle ang dahilan sa likod ng desisyon.

Hindi na raw kasi kukuha ng ibang players ang koponan dahil hindi na ito sasali sa susunod na season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Singapore (MPL SG)—isang pasya na nanggaling sa upper management ng organisasyon.

Alinsunod sa naturang deisyon, ipinaliwanag ni Soul kung paano nga ba nito maaapektuhan ang opersayon ng EVOS Esports sa ibang rehiyon, gaya na lang ng Nexplay EVOS na naglalaro sa MPL Philippines at EVOS Legends na lumalahok sa MPL Indonesia.

Wala raw dapat ipangamba ang fans ng Nexplay EVOS at EVOS Legends, ayon kay Soul

Dapat bang mag-alala ang fans ng Nexplay EVOS matapos ma-disband ang EVOS SG? Ito ang paliwanag ni Soul
Credit: Nexplay Esports

Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, ipinaliwanag ng Singaporean na bagamat hindi magandang balita ang pagbitaw sa EVOS SG, hindi naman daw dapat ito maka-apekto sa Nexplay EVOS o sa EVOS Legends.

“It should not matter to the other teams in the region of EVOS Esports. The esports scene in Singapore is tough and the business decision made from the higher management is very reasonable,” paliwanag ni Soul.

(Hindi dapat ito maka-apekto sa mga koponan ng ibang rehiyon ng EVOS Esports. Mahirap ang esports scene sa Singapore at ang business decision na ginawa ng higher management ay risonable.)

“Fans should have nothing to worry but to double down on cheering for our Indonesian and Filipino counterparts as they strive to bring glory for EVOS in the coming next half of 2022,” dagdag niya.

(Walang dapat ipag-alala ang fans kung hindi ang pagdoble ng kanilang suporta sa mga Indonesian at Filipino teams na magtataguyod sa EVOS sa susunod na bahagi ng 2022.)

Dapat bang mag-alala ang fans ng Nexplay EVOS matapos ma-disband ang EVOS SG? Ito ang paliwanag ni Soul
Credit: Moonton

Sa katunayan, matagal na raw nakabinbin ang desisyong bitawan ang kanilang roster, pero napanatili pa rin ito dahil sa pagpapakita nila ng magagandang performance.

Back-to-back champions kasi ang EVOS SG sa unang dalawang seasons ng MPL SG. Nag-uwi rin sila ng parangal sa kanilang bansa nang sungkitin nila ang bronze medal sa 31st Southeast Asian Games (SEA Games) matapos talunin ang Malaysia.

Samantala, inanunsyo naman kamakailan ng Nexplay EVOS ang mga manlalarong bubuo sa kanilang roster para sa ika-10 season ng MPL PH. Tampok ang pagbabalik nina Lance “LanceCy” Cunanan at James “Jeymz” Gloria, maging ang paglipat ni Mico “Micophobia” Quitlong mula sa ONIC Philippines.

Nakatakdang buksan ng Nexplay EVOS ang kanilang kampanya sa liga kontra Blacklist International sa ika-12 ng Agosto.

Wala pa namang anunsyo ang Moonton ukol sa ika-apat na season ng MPL SG.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: OhMyV33NUS at Wise inaming naapektuhan sa mga komento ng bashers