Kinilala bilang MVP ng Mobile Legends: Bang Bang Women’s Invitational 2022 (MWI 2022) ang jungler ng Bigetron Era na si Vorelle Valencia “Vival” Chen.
Bigetron Era ang kinoronahan bilang kampeon ng kauna-unahang all-female, premiere MLBB tournament matapos magpamalas ng dominanteng performance simula group stage hanggang sa grand final.
Si Vival ng Bigetron Era ang MVP ng MWI 2022

Matagal-tagal nang kinakatakutan ang husay ni Vival sa pagiging jungler, pero matapos iselyo ng Bigetron Era ang kampeonato sa nasabing turneo ng ONE Esports, pormal na rin siyang kinoronahan bilang ang pinakamahusay na babaeng MLBB player hindi lang sa kanilang bansa, kung hindi sa buong Southeast Asia.
Buong group stage, kung saan hinarap nila ang Lugiami ng Singapore, BREN Victress ng Pilipinas, at On Air Pipol ng Malaysia, nakapagtala si Vival ng perpektong kill-death-assists.
Sa tatlong beses kasi silang naglaro, hindi namatay ang nasabing jungler kahit isang beses. Kumana siya ng limang kills at limang assists bilang Fanny, walong kills at siyam na assists bilang Granger, at siyam na assists naman bilang Barats.
Hindi rin matatawaran ang naging ambag ni Vival ng Bigetron Era sa grand finals kontra kapwa Indonesian team na GPX Basreng. Umariba nito bilang Paquito at Granger sa unang dalawang mapa, bago tuluyang makuha ang ika-13-sunod nilang kampeonato bilang Lancelot.
Vival ng Bigetron Era: ‘I still have to improve a lot’

Bago tuluyang ipakilala ang MVP ng turneo, tinanong muna ng host na si Velajave ang mga miyembro ng Bigetron Era kung sino sa tingin nila ang makakatanggap ng parangal.
Ang midlaner nilang si Cindy Laurent “Cinny” Siswanto ang ibinoto ni Vival, kaya’t halos ‘di makapaniwala ang manlalaro nang pangalanan siya bilang MVP ng MWI 2022. Nanatili namang determinado ang jungler sa kabila ng prestihiyosong pagkilala.
“I’m of course, happy… but there’s still a long way, I still have to improve a lot,” ani Vival ng Bigetron Era.
(Siyempre, masaya ako… pero mahaba ang pa ang kailangang lakbayin, kailangan ko pa gumaling nang husto.)

Nang tanungin ang kanyang mensahe para sa mga kababaihang nais din magpakitang-gilas bilang professional MLBB player, narito ang nasabi ng MVP:
“Don’t give up. This is just the first Moonton official ladies tournament, there’s still more in the future… it’s still a long journey, you guys can improve more.”
(‘Wag kayong sumuko. Ito pa lang ang unang opisyal na ladies tournament ng Moonton at marami pa sa hinaharap… mahaba pa ang lalakbayin, kayang-kaya niyo pa gumaling.)
Bukod sa US$6,400 (₱327,000+) na napanalunan ng kanyang koponan bilang kampeon ng MWI 2022, mag-uuwi rin si Vival ng Bigetron Era ng karagdagang US$200 (₱10,000+) bilang MVP.
Para sa karagdagang balita, guides, at features, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Lylia ni Cinny, nagtala ng 14 kills sa 9 na minutong panalo ng Bigetron Era sa MWI 2022