Nilisan na ni John Michael “Zico” Dizon ang kaniyang poste bilang head coach ng Nexplay EVOS. Kasabay nito, kinumpirma ng coach ang pagtanggap niya sa coaching position para sa isang Mobile Legends team sa ibang bansa at ang nakatakda niyang paglipad papunta rito sa June 15.

Hindi tinukoy ng beterano kung anong team at kung saang bansa ito nakabase, ngunit hindi naman niya ipinagdamot ang rason sa likod ng malaking move.


Zico nais subukan ang coaching skills sa ibang bansa

Credit: Zico

Hindi itinago ni Zico ang dahilan ng kaniyang pagbabakasakali sa ibang bansa. Aniya, “Yong drive siguro sa sarili ko na gusto ko pang mag-explore at i-try yung skills, ko kung kaya ko din ba gawin or lampasan overseas ‘yong mga nagawa ko dito sa Pinas.”

Ibinahagi din ng dating NXPE coach ang naging proseso ng pagtanggap niya sa nasabing alok. “Second yung offers, minsan lang yung ganun na opportunity at kaya di rin ako nahirapan mag-decide kasi nag-consult naman ako kay boss D (Dogie) kung ano ba dapat kong i-grab.”

Credit: Zico

“Mas mafu-fulfill ko sa new team ‘yong mga naging pagkukulang ko last season kaya alam kong kaya ko silang i-angat din,” dagdag pa niya.

Malaki ang ginampanan ni Coach Zico para ibaling ang direksyon ng Nexplay sa MPL Philippines kung saan magkakasunod na 8th place finishes ang natamo ng grupo sa Seasons 6 at 7.

Ginabayan ni Zico ang Nexplay mula last placers patungong playoff team sa magkasunod na seasons kung saan sa pagkakataong ito ay nagtapos ang team sa 4th place sa Season 8, at 5th place naman sa Season 9.

Credit: Nexplay Esports

Sa labas ng MPL, subok na din ang gilas ng Dream High star-turned coach. Itinaguyod ni Zico ang kaniyang Nexplay EVOS sa matarik na SIBOL Phase 2 MLBB Qualifers at kahit kinapos kontra sa Blacklist International ni Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa grand finals ay hindi maikakaila na matalinong drafting ang isinalang ng head coach sa nasabing serye.

Sundan ang pinakahuli sa MPL sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Matapos umalis sa Bren, minamata pa rin ni Lusty na maglaro sa MPL PH S10