Hindi lingid sa maraming gamers lalo na sa mga miyembro ng fighting game community (FGC) ang isa sa pinaka-hype na sandali sa kasaysayan ng esports, ang EVO Moment 37. At binigyang parangal ito ng Nike sa pamamagitan ng paggawa ng isang pares ng sapatos na kakatawan dito sa anyo ng Nike Air Force 1.

Isa si Mark “MarkMan” Julio, Director of Global Business Development ng Evolution Championship Series o EVO, sa mga utak sa likod ng paggawa ng espesyal na pares ng sapatos. At bilang isang sneakerhead, masaya siyang nakipagtulungan sa higanteng sneaker brand na Nike upang mapagsama ang dalawang bagay na paborito niya, vidoegames at sneakers.

Nakaplanong ilabas ang makasaysayang sneakers noong EVO 2020. Subalit nakansela ang tournament dahil na rin sa COVID-19 pandemic at iba pang kontrobersiya sa mga namamahala nito. Matapos nito, walang naging balita tungkol sa kung anong kahihinatnan ng Air Force 1 Premium White/Fossil Blue.

Nang dumating ang EVO 2022, marami ang nagulat nang malaman na ang sneakers ay palihim na inilabas ng Nike, nang walang anunsyo o pasabi.

Mga elemento ng EVO Moment 37 sa Nike Air Force 1 Premium White Fossil Blue

Street Fighter Nike Air Force 1 Premium White Fossil Blue Evo Moment 37 canvas bag
Credit: MarkMan

Sa isang video, ipinaliwanag ni MarkMan ang mga element na bumabalot sa espesyal na pares ng sapatos, na ayon sa kanya ay isang “homage” sa EVO Moment 37.

Ayon sa kanya, hindi naisama sa disenyo ang lahat nang elemento sa kanilang orihinal na plano. Ipinakita ni MarkMan ang canvas bag na kasama ng sneakers na may nakasulat na mga katagang “It’s not over ‘til it’s over,” na isang pag-alala sa isa sa mga Marvel vs Capcom 2 matches ni Justin Wong.

Sa video ay ipinaalala ni MarkMan ang mga naganap na aksyon sa Moment 37, at kung paano nailagay ang mga elementong ito sa sneakers.

Marami sa mga parte ng sneakers ay hango sa makasaysayang Street Fighter III: 3rd Strike match sa pagitan nina Daigo Umehara at Justin Wong. Ilan dito ay ang kulay putting canvas na kumakatawan sa gi ni Ken, ang mga kulay blue na parte ng sapatos na kumakatawan sa super meter, at ang pinakataas na eyelet na tila blue spark na nagsisimbolo sa parry, na pinakaimportanteng bahagi ng Moment 37.

Street Fighter Nike Air Force 1 Premium White Fossil Blue Evo Moment 37 tongue tag
Credit: MarkMan

Pero ang pinaka-obvious na bahagi ng sneakers ay nasa tongue tag kung saan makikita ang notation ng sequence na ginamit ni Daigo upang maipanalo ang round at itala ito bilang isa sa pinakamakasaysayang comeback sa larangan ng competitive gaming.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.