Tagumpay ang Pakistani pro player na si Arslan “Arslan Ash” Siddique sa muling pagkuha ng isa na namang Tekken 7 title matapos ang kahanga-hangang undefeated run sa Evo 2023.

Ito ang ika-apat na tagumpay ni Arslan sa Evo matapos ang kanyang pagkapanalo sa Evo Japan 2023, Evo 2019, at Evo Japan 2019. Ito ay ang pangalawang pagkakataon niya bilang unified Evo champion, matapos niyang makuha ang parehong titulo sa Evo Japan at Las Vegas sa kasalukuyang taon.

Rumagasa si Arslan sa mga bracket patungong grand finals at nagwagi laban sa mga top players tulad nina Arja “Sephiblack” Gamoori ng Germany at Lim “Ulsan” Soo-hoon ng South Korea.



Arslan Ash wagi laban kay Ao sa Evo 2023 Grand Final

Arslan Ash defeats Ao at Evo 2023
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Ang Japanese Kunimitsu specialist na si Akihiro “Ao” Abe ay isang pwersa na dapat bigyang-pansin. Nakapasok siya sa Top 6 sa pamamagitan ng pagsagasa sa mga humarang sa kanyang daan. Gayunpaman, napagtanto niya na ang Pride ng Pakistan ay labis na hamon para sa kanya matapos siyang talunin nito sa Winners Final 3-1, na nagpadala sa kanya pababa sa lower bracket.

Si Ao ay nagkaroon ng pangalawang pagkakataon na harapin si Arslan sa Grand Final sa isa na namang Kunimitsu mirror match. Nagbanggaan ang kanilang mga talim habang ipinakita ng dalawang mandirigma ang kanilang husay sa Manji Ninja Arts. Ngunit sa huli, si Arslan Ash ang nagpakita ng mas matinding husay sa kanyang pagkuha ng 3-0 na panalo sa pamamagitan ng isang While Standing Right Kick punish.

Arslan Ash raises trophy at Evo 2023
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Bukod sa premyong US$10,000 at gold Victrix Pro FS Arcade Fight Stick, tatanggap din si Arslan ng 800 Tekken World Tour points. Ito ay naglalagay sa kanya sa tuktok ng leaderboard na may 1,710 points, na sinusundan ni Ulsan na may 1,270, at ni Bae “Knee” Jae-min na may 955.



Para sa iba pang balita at guides tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

READ MORE: Handa na ba ang gaming setup mo? Tekken 8 PC system requirements inanunsyo na