Itinakda ng FunPlus Phoenix ang isang lower bracket final match laban sa OpTic Gaming sa Valorant Champions Tour (VCT) Stage 2 Masters Copenhagen matapos ang nakakasabik na panalo kontra sa kanilang EMEA rival na Fnatic.

Matagal nang kryptonite ng FPX ang Fnatic, na may perpektong 4-0 record kontra sa kanila sa mga nakalipas na buwan. Pero nabasag sa wakas ng FPX ang kanilang code sa Copenhagen sa iskor na 2-1.

Kinailangan ng CIS team na maglaro kasama ang stand-in na si Mathias “SEIDER” Seider ng Alliance sa group stage at playoffs dahil ‘di agad naka-secure ng travel visa si Dmitry “SUYGETSU” Ilyushin.

Ngunit pagpasok ni SUYGETSU sa koponan, siya na ang naging pangunahing difference maker sa kanila. Naging tunay na title contender ang FunPlus Phoenix, na hindi man lang natin namataan sa Stage 1 Masters Reykjavik.


Nakabawi ang FunPlus Phoenix sa Fnatic sa pangunguna ni SUYGETSU

SUYGETSU ng FunPlus Phoenix
Credit: Riot Games

Si SUYGETSU ang hinirang na MVP ng serye matapos tumikada ng nakakamanghang 72/41/12 KDA at 289 Average Combat Score (ACS) gamit sina Killjoy at Viper.

Mainit na nagsimula ang FunPlus Phoenix sa lahat ng mapa at laging nakakakuha ng maagang kalamangan sa pistol at bonus round. Ngunit sa unang mapa na Split, gumawa ng 15-13 comeback win ang Fnatic sa kabila ng magandang performance ni SUYGETSU sa KJ.



Sa kabilang ng dikit na pagkatalo, bumawi ang FPX sa Bind at Fracture sa likod ng malupit na laro ni SUYGETSU. Hindi naging sapat ang heroics mula sa Raze ni Nikira “Derke” Sirmitev sa Bind at napunta ang laro sa ikatlong mapa na Fracture.

Nag-step up din ang clutch master na si Andrey “Shao” Kiprsky para sa FPX sa Fracture kung saan nakapanalo siya ng 1v3 sa Round 6.



Sa Round 7 na naka-iskor sila Jake “Boaster” Howlett at kanyang koponan ngunit nagtapos pa rin ang first half na may 9-3 scoreline sa panig nila SUYGETSU. Bagamat nakakuha pa ng dalawang rounds ang Fnatic sa kanilang defending half, sumagot ang FPX ng tatlong magkakasunod na rounds para ilista ang series point.

Sa huling round, hindi na kinaya ng Fnatic ang 5v5 retake sa B site kung saan nakapag-set up ang FPX ng magandang trap sa Canteen at multiple crossfires upang patumbahin sa wakas ang kanilang mahigpit na karibal.

Nakatakdang kalabanin ng FunPlus Phoenix ang Reykjavik champs na OpTic Gaming sa best-of-5 LB final mamayang ika-11 ng gabi. Ang mananalo ay kakalabanin ang APAC king na Paper Rex sa grand finals.

Mapapanood ang mga natitirang laban sa Masters Copenhagen sa opisyal na Twitch at YouTube channel ng Valorant. Ang Filipino broadcast naman ay masusubaybayan sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).

Para sa Valorant news, guides at highlights, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.