Hindi pa rin natatapos ang pighati para sa FunPlus Phoenix, dahil isa sa tatlo nilang CIS-based players ay maaaring hindi makapaglaro sa VCT Stage 2 Masters Copenhagen group stage.

Hindi nakapaglaro ang team sa Masters Reykjavik 2022, sa kabila ng pagiging top seed sa EMEA, matapos ang travel restriction na sanhi ng gulong nagaganap sa Ukraine pati na rin ng COVID-19 regulations.

Bagama’t handa na sina Andrey “Shao” Kiprsky at Kyrylo “ANGE1” Karasov para sa kanilang Masters debut, hindi naman nagawa ni Dmitry “SUYGETSU” Ilyushin na makuha ang kanyang visa upang makalipad papuntang Denmark.


Si SEIDER ng Alliance ang stand-in para kay FunPlus Phoenix SUYGETSU sa Masters Copenhagen group stage

Alliance Seider Masters Copenhagen
Credit: Alliance

Kinumpirma ni Ardis “adiis” Svarenieks ng FPX sa pre-tournament press conference na inorganisa ng Riot Games na ang sentinel main ng kanyang team, si SUYGETSU, ay hindi makakarating upang mag-compete sa Masters Copenhagen group stage.

Sa halip ay dinala ng team si Mathias “SEIDER” Seider, na nag-anunsyong lilipad siya papuntang Denmark isang linggo bago magsimula ang group stage ng Stage 2 Masters.

Si SEIDER ay isang initiator na huling naglaro sa Valorant Regional League Northern Europe noong nakaraang buwan. Nagsimula siyang mag-compete mula pa noong 2020, at kumatawan sa Wave Esports at Alliance sa iba’t ibang VCT European qualifiers.

Gayunpaman, positibo pa rin ang pananaw ni ardiis na makakasama si SUYGETSU sa kanyang team kung makakapasok sila sa playoffs na nakatakdang magsimula sa July 14.

“I think SUYGETSU might be able to get his visa in time for the playoffs,” sabi ni ardiis. “We’re hoping that he gets his visa approved by then.”

Ang FPX ay maglalaro sa Group B, kasama ng DRX, Northeption, at XERXIA Esports. Kinakailangan nilang manalo sa dalawang group stage matches para makaabante papunta sa playoffs ng tournament.


Valorant roster ng FunPlus Phoenix

FunPlus Phoenix Masters Reykjavik 2022
Credit: FunPlus Phoenix
  • Kyrylo “ANGE1” Karasov (in-game leader)
  • Andrey “Shao” Kiprsky
  • Pontus “Zyppan” Eek
  • Ardis “ardiis” Svarenieks
  • Mathias “SEIDER” Seider (stand-in)
  • Dmitry “SUYGETSU” Ilyushin
  • Erik “d00mbr0s” Sandgren (coach)

Nakatakda ang Masters debut ng FPX sa kanilang match laban sa Thai squad na XERXIA Esports sa July 11. Mapapanood ng mga fans ang mga Masters Copenhagen matches nang live sa official Twitch at YouTube channels ng Riot Games.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

Ang kathang ito ay isang pagsasalin mula sa orihinal na akda.