Tukoy na ang dalawang koponang magiging kinatawan ng Asia Pacific (APAC) para sa VCT Stage 2 Masters Copenhagen—ang Paper Rex at XERXIA Esports.

Pinangibabawan ng Paper Rex at XERXIA Esports ang nagdaang VCT APAC Stage 2 Challengers para makadalo sa ikalawang international Valorant tournament ngayong taon.

Ang kampanya ng Paper Rex at XERXIA sa VCT APAC Stage 2 Challengers

Paper Rex at XERXIA Esports, sasabak sa Masters Copenhagen bilang APAC reps
Credit: Valorant Esports

Paper Rex ang unang koponan mula sa rehiyon ang nakaselyo ng kanilang tiket papuntang Denmark. Winalis nila ang daan hindi lang papuntang playoffs, kung hindi maging ang playoffs mismo.

Unang na sampolan ng kanilang tutok ang Alter Ego. Bagamat nanaig ng koponan mula Indonesia sa Fracture matapos ang overtime sa iskor 12-14, nanaig pa rin ang Paper Rex sa serye.

Sinunod nina f0rsakeN ang kapwa Singaporean team nilang Bleed eSports bago harangin ang Team Secret sa kanilang daan papuntang grand final.

Sa kabuuan, nagtala ang koponan nina Jason “f0rsakeN” Susanto ng five-game win streak bago tuluyang depensahan ang kanilang titulo bilang kampeon ng VCT APAC Challengers.

Paper Rex at XERXIA Esports, sasabak sa Masters Copenhagen bilang APAC reps
Credit: Valorant Esports

Winalis nila ang best-of-five serye kontra XERXIA para tanghalin na back-to-back champions.

Kung anong swabe ng naging kampanya ng Paper Rex, gayun naman ang hirap na dinanas ng Itthirit “foxz” Ngamsaard sa playoffs. Maaga silang nilaglag ng Team Secret sa lower bracket ng knockouts stage at sa apat na seryeng kanilang nilaro dito, tatlong beses silang natulak sa tournament point.

Ang huling beses ay ang pinakamahalaga dahil nakasalalay dito ang pagkakataon na maka-qualify sa Masters Copenhagen. Muli nilang nakaharap ang mga Pinoy, na siyang dahilan kung bakit sila nasa lower bracket. Tinambakan sila nina Jessie “Jessievash” Cuyco sa Haven, ang mapang pinili ng XERXIA, sa iskor na 13-3.

Paper Rex at XERXIA Esports, sasabak sa Masters Copenhagen bilang APAC reps
Credit: Riot Games

Nag-iba ang asinta nila pagpasok sa Ascent. Sinubukan ng Team Secret na pwersahin ang overtime, pero hindi ito hinayaan ng XERXIA. Tinapos nila ang ikalawang mapa sa iskor na 13-10, at ang deciding map na Icebox sa iskor na 13-8 para muling maka-qualify sa Masters event.

Ito ang ikalawang-sunod na beses na Paper Rex at XERXIA Esports ang kakatawan sa rehiyon sa isang international Valorant tournament ng taon. Matatandaang lumipad din sa Rekjavik, Iceland ang dalawa para sa unang Masters event.

Nauwi sa ika-apat na puwesto ang kampanya ng Paper Rex noon, habang 9th-10th place naman ang XERXIA.

Samantala, nakatakda namang iraos ang VCT Stage 2 Masters Copenhagen simula ika-10 hanggang ika-24 ng Hulyo.


Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: OpTic Gaming lilipad papuntang Masters Copenhagen upang ipagtanggol ang trono