Ipinakilala ng VCT 2021 season ang pinakamatitinik na Valorant players sa buong mundo. Tinulak ng mga pro na ito ang hangganan ng kung anong posibleng gawin sa first-person shooter ng Riot Games.

Nasaksihan nating magbanggaan ang pinakamalalakas na koponan sa mga international tournament na hinulma ang herarkiya sa Valorant global scene. Pinakita ng Masters Reykjavik, Masters Berlin at Valorant Champions ang breakout stars na nagpamalas ng nakakamanghang galawan para patunayan na sila ang pinakamagagaling na manlalaro ngayon.

Dinomina ng mga Jett main ang Valorant esports scene at sumandal sa kanila ang mga koponan sa pagkuha ng maraming frags. Mayroon ding mga manlalaro na binigyan ng panibagong kulay ang kanilang posisyon at binago ang meta sa pro gayundin sa ranked games.

Narito ang aming top 5 best Valorant players mula sa 2021 VCT season.


Ang top 5 best Valorant players ng 2021

5. Derke

Top 5 best Valorant players ng 2021 - Derke
Credit: Riot Games

Siguradong isa si Nikita “Derke” Sirmitev ng Fnatic sa mga standout ng 2021. Maganda ang naging run niya kasama ang Fnatic sa kauna-unahang international lan event ng Valorant na Masters Reykjavik kung saan nagtapos ang European squad sa second place sa likod ng Sentinels.

Tinala ni Derke ang pangatlo sa pinakamataas na average combat score (ACS) na 260.4 at talaga namang kakaiba ito dahil ang Fnatic ang may pinakaraming round na nilaro sa Masters Reykjavik.

Pinataas ng 18-year-old Finnish pro player ang kanyang laro pagdating sa Valorant Champions kung saan pinukol niya ang pinakamataas na ACS na 278.1, na nakatulong sa Fnatic na maselyo ang 5th-8th place finish.

Isa si Derke sa top 5 best Valorant players dahil siya ay isang consistent fragger na kayang magdomina gamit si Jett o Raze, and parehong matinik sa paggamit ng rifles at Operator kapag siya ang nag-e-entry.


4. TenZ

Top 5 best Valorant players ng 2021 - TenZ
Credit: Riot Games

Nagkamit agad ng tagumpay si Tyson “TenZ” Ngo matapos pumirma ng kontrata sa Sentinels bago ang Masters Reykjavik. Bagamat konting panahon lang siya nakapagsanay kasama ang North American squad, naghari pa rin si Tenz sa unang international LAN event ng Valorant at dinala ang Sentinels sa kampeonato.

Tumikada si TenZ ng pinakamataas na stats sa Masters Reykjavik. Naglista siya ng 279.4 ACS, 1.48 kill-death average (KDA) at 1.02 kills per round (KPR).

Sa Masters Berlin naman, ni-record ni Tenz ang pinakamataas na average damage per round (ADR) na 179 at ikatlo sa pinakamataas na ACS na 269.5 para matulungan ang Sentinels na makakuha ng 5th-8th place finish sa torneo.

Kabilang si TenZ sa top 5 best Valorant players sa mundo dahil sa kanyang mechanical skills at matalas na tutok na nasaksihan sa kanyang mga LAN performances ngayon taon.


3. Keznit

Top 5 best Valorant players ng 2021 - Keznit
Credit: Riot Games

Sila Angelo “Keznit” Mori at ang kanyang koponan na KRÜ Esports ang breakout stars sa ginanap na Valorant Champions 2021. Bagamat pinangibabawan nila ang Latin American division at nakapasok sa tatlong international Valorant events, tinignan pa rin bilang heavy underdogs ang KRÜ sa world championship tournament.

Sa kabila nito, nakaabot sila Keznit at KRÜ hanggang sa top four at sinipa ang Sentinels maging ang Fnatic sa kasagsagan ng kanilang kampanya. Pinahirapan din nila ang eventual finalist na Gambit Esports at dinala ito sa epikong quintiple overtime sa Bind.

Sa lahat ng kanilang laban, pinatunayan ni Keznit na kaya niyang makipagsabayan sa pinakamagagaling na Valorant players sa buong mundo gamit ang kanyang kakaibang duelist skillset. Nagtapos siya sa top six pagdating sa ACS (246.3) na nakatulong sa KRÜ Esports na makamit ang 3rd-4th place sa Valorant Champions.

Nag-improve sila Keznit at KRÜ sa kabuuan ng VCT 2021 and pinakita na kaya rin ng ibang rehiyon na patumbahin ang mga top team sa North America at EMEA.


2. cNed

Credit: Riot Games

Pinakita ni Acend star player Mehmet Yağız “cNed” İpek na siya ang pinakamagaling na Jett main sa VCT 2021 season. Habang ang ibang top players ay may iba’t-ibang duelist agents depende sa mapang pinaglalaruan, pinatunyan ni cNed na kaya niyang magdomina sa kahit saang mapa gamit si Jett.

Ipinamalas ng 19-year-old pro ang kanyang talento sa international stage sa Masters Berlin kung saan itinala niya ang ikaapat sa pinakamataas na ACS (267.8) at ikatlo sa pinakamataas na KPR (0.96). Binuhat ni cNed ang kanyang koponan patungo sa 5th-8th finish sa naturang torneo.

Sunod na nagpasiklab si cNed sa Valorant Champions kung saan pinakita niya ang kanyang pinakamalupit na performance para makoronahan ang Acend bilang pinakamalakas sa buong mundo. Bagamat hindi sapat ang kanyang mga numero para makuha ang top spot sa kahit anong kategorya, ang pagbato ni cNed ng pressure sa mga kalaban gamit ang Operator ay talaga namang nakatulong sa Acend na maipanalo ang mga crucial round sa torneo.

Sa pamamagitan ng tagumpay sa kauna-unahang Valorant world championship, pinakita ni cNed na karapat-dapat siyang isali sa top 5 best Valorant players at itanghal na top duelist sa buong mundo.


1. nAts

Credit: Riot Games

Pinatunayan ni Ayaz “nAts” Akhmetshin ng Gambit Esports na mayroon siyang sariling liga sa pamamagitan ng kanyang mga nakamit sa VCT 2021 season.

Ang mga international LAN events ng Valorant ay kadalasang pinangunahan ng top-performing duelists mula sa iba’t-ibang rehiyon. Matapos ang kanyang performance sa Masters Berlin, pinakita ni nAts na kahit ang mga controller o sentinel main ay kayang buhatin ang kanilang koponan.

Nilista ng 19-year-old star player ang pangalawa sa pinakamataas na KDA (1.40) at panglima sa pinakamataas na ACS (265.9) sa Masters Berlin. Nakahanap si nAts ng iba’t-ibang paraan para maipanalo ang mga tila unwinnable rounds para sa kanyang koponan kaya naman nasungkit ng Gambit Esports ang kanilang unang international LAN title sa pamamagitan ng isang matamis na 3-0 sweep kontra sa Team Envy.

Pagkatapos manalo sa Masters Berlin, sumikat ang playstyle ni nAts sa Valorant pro scene at sa katunayan pa nga ay pinag-aralan ng Vision Stikers ng Korea ang kanyang lurking ability at ginamit ito sa kanilang meta.

Lahat ng nakatapat ng Gambit sa Valorant Champions ay gumawa ng mga paraan para kontrahin si nAts, pero nakahanap pa rin ng paraang Russian team na makarating sa grand finals kung saan kinapos sila laban sa Acend, 3-2.

Tangan-tangan ang lahat ng kanyang tagumpay sa VCT 2021 season, pinatunayan ni nAts na talagang isa siya sa top 5 best Valorant players sa mundo.


Salin ito ng orihinal na akda ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.