Sa kasaysayan ng Dota 2 professional scene, ‘di maikakailan na ang China ang isa pinakamalalalim na rehiyon pagdating sa talented players mula sa taas hanggang sa ibabang lebel ng kompetisyon dito.
At sa ngayon ang PSG.LGD pa rin ang nananatiling team to beat sa rehiyon. Nagpabago-bago man ang roster nito, nanatiling nasa tuktok ng Chinese Dota ang organisasyon. Winalis ng TI10 runners-up ang Dota Pro Circuit (DPC) China Tour 1 Division 1 para sa perpektong 7-0 series record at pasok sana sa Winter Major kung hindi ito nakansela.
Napakahalaga ng placement sa DPC CN dahil ang top four teams dito ay makakakuha ng direct invite sa Major. Ang first place ay didiretso sa playoffs, second sa group stage at ang third at fourth ay makikipaglaban sa wild card phase.
Para maagaw ang trono ng PSG.LGD, kailangan ng ibang koponan na mag-step up. Narito ang mga manlalaro na maaaring pangunahan ang kani-kanilang koponan patungo sa matamis na tagumpay sa DPC CN Tour 2 Division 1.
3 players na dapat abangan sa DPC CN Tour 2 Division 1
Zeng “Ori” Jiaoyang ng Team Aster

Medyo malamlam ang naging performance ng pinakabagong player ng Team Aster na si Ori noong The International 10 playoffs kung saan naglalaro pa siya para sa Vici Gaming. Pero nakabawi na siya pagdating ng DPC CN Tour 1.
Tinulungan niya ang Aster na makakuha ng 5-2 kartada at patumbahin ang Royal Never Give Up para sa second place sa CN Division 1. Pinangunahan rin ng 26-year-old midlaner ang kampanya ng Aster patungo sa titulo sa Intel World Open Beijing kung saan naungusan nila ang iba pang Chinese powerhouse squads na PSG.LGD, Invictus Gaming at Xtreme Gaming.
Bagamat kilala ang Team Aster sa nakakadismayang performance nito sa mga international tournament, maaaring si Ori na ang makapagbago nito. Mahalaga sa koponan ang kanyang championship experience mula sa Vici Gaming at pwede niyang madala pabalik sa tuktok ang Aster pagdating ng DPC CN Tour 2 Division 1.
Lu “Somnus” Yao ng Royal Never Give Up

Sa kabila ng nakakadismayang performance ng Elephant sa TI10 at ng personal low placement sa isang TI, maraming fans at pundits na tinuring si Somnus bilang brightest spot sa kanyang koponan.
At ngayong naglalaro na siya para sa Royal Never Give Up, ganoon pa rin ang tikas ng beteranong midlaner. Kasama pa ang kanyang teammates noon sa PSG.LGD na sina Yang “Chalice” Shenyi at Yap “xNova” Jian Wei, binuhat nila Somnus ang RNG at ginawa itong isa sa mga top teams sa China ngayon.
Nanatiling superstar ng koponan ang 26-year-old pro. Isang alamat ang kanyang Storm Spirit sa pro scene at lagi itong binubunot ng kanyang koponan sa mga must-win na laban. Malamang wala nang mas kalmado pa kay Somnus pagdating sa bakbakan at hindi pa rin maitatanggi na isa siya sa best midlaners hindi lang sa China kundi sa buong mundo. Kaya naman siguradong siya pa rin ang sasandalan ng RNG sa darating na DPC CN Tour 2 Division 1.
Zhang “Eurus” Chengjun ng Xtreme Gaming

Pumatok ang hindi masyadong kilala na Xtreme Gaming noong offseason dahil sa sensational recruitment drive nito kung saan nakuha nila ang outstanding support duo ng Vici Gaming na sina Xiong “Pyw” jiahan at Ding “Dy” Cong.
Pero ang talagang pumukaw ng atensyon ng fans ay ang pag-sign nila kay Eurus (kilala rin bilang Paparazi灬) at ang pagbabalik niya sa mid lane. At kahit nakaranas ng ilang pagsubok ang XG sa Division 2, nagtapos pa rin sila nang may 5-2 record upang masiguro ang promotion patungo sa DPC CN Tour 2 Division 1. Ang kanilang second-place finish sa Intel World Open Beijing kung saan pinataob nila ang PSG.LGD at Vici Gaming ay pwedeng tignan bilang indikasyon ng kanilang tsansa sa mas mataas na kompetisyon.
Bagamat may growing pains pa rin ang Xtreme Gaming, tila swabe naman ang pagbabalik ni Eurus sa mid kahit huli niyang nalaro ang role na ito noong naging breakout player siya sa IG.Vitality at Vici Gaming. Marami pang pwedeng ipakita ang DAC 2017 at 2018 solo mid champion at magkakaroon siya ng tsansa na patunayan ito sa DPC CN Tour 2 Division 1.
Nakatakdang magsimula ang DPC CN Tour 2 Division 1 sa ika-15 ng Marso at mapapanood ito sa Twitch channel ng Perfect World.
Hango ito sa artikulo ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.