Hudyat ang simula ng Tour I ng Dota Pro Circuit 2021-2022 sa paglarga ng mga pinakamalalakas na koponan mula sa Southeast Asia patungo sa susunod na The International.

Kaabang-abang kung paano pagaganahin ng bawat kalahok ang bago nilang mga roster, kung saan tampok hindi lang ang mga talentadong baguhan, kung hindi pati na rin ang mga batak na beterano.

Sa ngalan ng mga batikang manlalaro, narito ang listahan ng limang beteranong Dota 2 players na muling magpapamalas ng kanilang husay sa unang Tour ng bagong DPC season.


5 beteranong Dota 2 players na dapat subaybayan sa Tour I ng DPC 2021-2022

AhJit

Beteranong Dota 2 players na dapat subaybayan sa Tour I ng DPC 2021-2022: AhJit
Credit: DreamHack

Ginulat ni Lai “AhJit” Jay Son ang rehiyon matapos nilang pangibabawan ang unang open qualifier para sa Division II ng DPC SEA 2021-2022 Tour I. Tinalo lang naman kasi nila ang Talon Esports, ang bagong saltang koponan na pinangunguhan ni Tal “Fly” Aizik.  

Pero hindi ito ang unang beses na nagpakitang-gilas ang tubong Malaysia. Simula 2015, kabilang na ang bantog na manlalaro sa mga matitibay na koponan sa rehiyon, gaya na lamang ng WarriorsGaming.Unity, Fnatic, at maging ng Mineski.

Naging kabilang din si AhJit sa koponan ng Tigers na pinangunahan noon ni Sivatheeban “1437” Sivanathapillai. Nag-uwi ng parangal para sa rehiyon ang nasabing koponan matapos nilang pagtagumpayan ang Dream League Season 10, isang Minor tournament sa ilalim ng lumang DPC.

Muling babandera si beteranong Dota 2 player ngayon bilang carry ng Ragdoll sa Division II ng DPC 2021-2022 Tour I.

Boombui

Beteranong Dota 2 players na dapat subaybayan sa Tour I ng DPC 2021-2022: Boombui
Credit: Convictus Esports Group

Marahil ay iilan lang ang nakakakilala kay Anurat “Boombui” Praianun sa bago niyang IGN, pero siguradong maraming nakakaalala sa kanya bilang boombell.

Isa si Boombui sa mga beteranong Dota 2 players mula sa Thailand. Simula MiTH.Trust, Signature.Trust, Alpha Red, at ngayon sa Motivate.Trust Gaming, ‘di ito nawala sa listahan ng mga pinakamalalakas na manlalaro sa kanilang bansa.

Bagamat iilang beses lang ang mga itong nakatapak sa international tournament, marami namang beses na naging hadlang ang mga naging koponan ni Boombui sa mga tagumpay, lalo na ng mga Filipino teams. Sa katunayan, nabansagan pang “The Filipino Slayer” ang MiTH.Trust noon dahil madalas nilang talunin ang mga pambato ng Pilipinas sa mga qualifier, gaya na lang noong TI4 SEA Qualifier.

Magpapatuloy ang kampanya ni Boombui bilang support ng MTG sa Division I ng DPC SEA 2021-2022 Tour I.

Ohaiyo

Beteranong Dota 2 players na dapat subaybayan sa Tour I ng DPC 2021-2022: Ohaiyo
Credit: Valve

Isa si Ohaiyo sa mga pinakamatagumpay na beteranong Dota 2 players sa SEA.

Nakilala ang batikang manlalaro noong kanyang kampanya sa ilalim ng Orange Esports kasama ang ngayong coach ng BOOM Esports na si Chai Yee “Mushi” Fung. Nakasabak sa TI3 ang nasabing koponan at nagtapos ito sa ikatlong puwesto, ang pinakamataas na puwestong naabot ng isang team mula sa rehiyon hanggang ngayon. 

Simula noon, parati na kabilang ang Malaysian na ‘to sa mga pinakamalalakas na koponan sa SEA, gaya ng Fnatic kung saan halos tatlong taon siya naging parte. Naka-attend siya sa iba’t-ibang Major tournaments, at naging isa sa mga kinatawan ng rehiyon noong TI6 at TI7.

Bagamat naglaro rin noong nakaraang DPC season sa ilalim ng Team Mystery, di tulad ng ibang manlalaro sa listahan ito, magbabalik ang beteranong Dota 2 player ngayong season bilang position-four support ng Vietnam-based Dota 2 squad na 496. 

Kimo

Beteranong Dota 2 players na dapat subaybayan sa Tour I ng DPC 2021-2022: Kimo
Credit: Valve

Kung beteranong Dota 2 players lang din ang usapan, aba’y hindi pwedeng mawala dito si Kimuel “Kimo” Rodis.

Nauna siyang nakilala bilang kapitan ng Execration, isa sa mga koponang nagtatag ng professional Dota scene sa bansa. Mangilang beses niyang napatunayan sa Mineski Pro Gaming League (MPGL), isang liga na humubog sa mga pinakamagagaling na manlalaro ng Pilipinas, na ang kanyang koponan ang pinakamalakas.

Bukod pa sa kanyang mga napagtagumpayan sa nasyonal na lebel, naiwagayway bumandera na rin si Kimo sa mga international tournament, gaya na lang noong TI7. Nagsilbi rin siya bilang coach ng Execration noong sumabak ito sa WePlay AniMajor, isang Major tournament noong nakaraang DPC.

Sa unang Tour ng DPC 2021-2022, nagbabalik si Kimo para muling pangunahan ang mga baguhang players ng InterAactive Philippines or IAP. Makikipagsabayan ang koponan sa Division II matapos mapagtagumpayan ang closed qualifier .

Raging Potato

Beteranong Dota 2 players na dapat subaybayan sa Tour I ng DPC 2021-2022: Raging Potato
Credit: Valve

Gaya ni Kimo, isa rin si Ryan Jay “Raging Potato” Qui sa mga pinakatanyag na players hindi lang sa Pilipinas, kung hindi pati na rin sa buong rehiyon.

Hindi matatawaran ang kanyang kontribusyon sa pagpapatibay ng eksena sa bansa dahil kabilang ang beteranong Dota 2 player na ‘to sa maraming beses na bumandera ang Pilipinas sa mga international tournament. Kabilang na dito ang kauna-unahang Major sa Frankfurt noong 2015, kung saan unang nasaksihan ng mundo ang Huskar at Dazzle na combo, hanggang sa TI9, kung saan muntik matalo ng Mineski ang Team Secret.

Patunay din sa kanyang husay ang pagiging magaling na manlalaro ano man ang posisyon na kanyang punan. Sa haba kasi ng kanyang matagumpay na karera, nasubukan nang maglaro ni Raging Potato bilang carry, mid, offlane, at support.

Sa muling pagbabalik ng 26 taong gulang na manlalaro sa Division I ng DPC 2021-2022 Tour I para punan ang offlane ng Team SMG, tiyak na dapat abangan ang mga pasabog na inihanda ng tinaguriang ‘The One True Bomb’.


Sino sa mga beteranong Dota 2 players na ito kayo pinaka-excited na masubaybayan sa unang Tour ng DPC 2021-2022? Ibahagi samin sa ONE Esports Philippines Facebook!

BASAHIN: BOOM Esports nag-flex bago ang DPC SEA Tour 1, ni-reverse sweep ang Motivate Trust sa Mineski Masters