Bumalik ang maalamat na kapitan na si Kimuel “Kimo” Rodis sa Dota 2 professional play at pinangunahan ang matagumpay na kampanya ng Inter Active Philippines patungo sa DPC SEA Tour 1 Division 2.

Tinalo nila Kimo at IAP ang Mongolian squad na KOBOLDS, 2-1, sa malupit na finale ng Dota Pro Circuit 2021-2022 Southeast Asia Tour 1 Closed Qualifier noong Sabado.


Kimo nag-comeback sa Dota 2 pro play

Kimo sa TI6
Credit: Execration

Kilala si Kimo bilang isa sa pinakamamagaling na captain-support sa Pinoy Dota pro scene. Nagsilbi siyang pinuno ng respetadong Filipino team na Execration simula sa pagkakatatag nito noong 2014 hanggang 2020.

Dalawang beses nakapaglaro si Kimo sa prestihiyosong The International (TI6 at TI7) at dinala rin niya ang Execration sa ilang kampeonato. Nakapasok sila sa Boston Major noong 2016 ngunit hindi nakadalo sa torneo dahil sa visa issues.

Huminto sa paglalaro si Kimo noong nakaraang taon at nagsilbing head coach ng Execration. Tinulungan niya ang koponan na maka-qualify sa WePlay AniMajor ngunit kinapos sila na makasali sa TI10.

Nagbalik si Kimo sa pro play kamakailan at bumida para sa IAP qualifying events ng DPC SEA Tour 1.


Ang paglalakbay ng IAP patungo sa DPC SEA Tour 1 Division 2

Credit: Inter Active Philippines

Nakapasok ang Inter Active Philippines sa semifinals ng Open Qualifier #1 ngunit tinalo sila ng KOBOLDS. Muling nakausad sa top 4 ang IAP sa Open Qualifier #2 subalit winalis naman sila nila Kim “Gabbi” Villafuerte ng Talon Esports.

Nagkaroon ng isa pang tsansa ang IAP na makatalon papunta sa DPC SEA Tour 1 Division 2 nang i-ban ng Valve ang Smart Omega dahil sa match-fixing. Dahil dito, nakabalik ang BOOM Esports sa Division 1 (Upper Division) at nagkaroon ng bakante sa Division 2.

‘Di na sinayang pa nila Kimo at kanyang mga bata sa IAP ang pagkakataon na ‘to. Winalis nila ang Atomic Esports bago patumbahin ang KOBOLDS sa pamamagitan ng isang kapana-panabik na 64-minute victory sa do-or-die Game 3.


Credit: Beyond The Summit

Makakalaban nila Kimo at Inter Active Philippines ang Talon Esports, Polaris Esports, Ragdoll, Lilgun, Nigma Galaxy SEA, 496 Gaming at Army Geniuses sa DPC SEA Tour 1 Division 2 na nakatakdang magsimula sa ika-29 ng Nobyembre at tatakbo hanggang ika-22 ng Enero, 2022.

Ang top two teams sa pagtatapos ng liga ay makakapasok sa Division 1 kung saan pinagtatalunan ang mga slot ng Southeast Asia sa Dota 2 Majors. Nakataya rin sa Tour 1 Division 2 ang US$75,000 o nasa PHP3.7 milyon na kabuuang papremyo.

Sundan ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa mga balita tungkol sa DPC SEA Tour 1.