Bali-balita ngayon sa Dota 2 pro scene ang paghihiwalay ng Evil Geniuses at ni Jesse “JerAx” Vainikka.

Ito’y matapos tanggalin ng EG ang two-time The International champion sa lineup nila sa Dota Pro Circuit registration website sa huling araw ng ESL One Stockholm Major 2022.

Nagtapos ang kilalang North American squad sa nakakapanlumong 13th place sa Stockholm Major at agad na na-eliminate sa group stage nang may 2-10 win-loss record.

Credit: Valve

Sa DPC registration wesbsite ng Valve makikita ang inilista ng mga koponan na kanilang mga aktibong manlalaro para sa DPC. Kadalasan, gumagawa lang ng mga pagbabago sa registration page ang mga koponan pagkatapos nilang maglabas ng opisyal na anunsyo.

Ngunit sa kaso ng EG ngayon, wala pa silang inilalabas na pahayag patungkol sa hinaharap ng kanilang Dota 2 roster.

(Update: Opisyal nang inanunsyo ng EG ang pagtanggal nila kay JerAx nitong Miyerkules, ika-25 ng Mayo. Samantala, nagpasalamat naman ang Finnish player sa organisasyon at ipinahayag na interesado siyang maglaro bilang position-4 o 5, o magsilbi bilang coach ng isang koponan.)


Inilahad ni JerAx ang mga problema ng Evil Geniuses sa tumatakbong DPC season

JerAx at EG eliminated sa group stage ng ESL One Stockholm Major 2022
Credit: ESL

Itinuturing ang Evil Geniuses noon bilang pinakamalakas na koponan sa North America na kayang makipagsabayan sa pinakamalalakas sa mundo pagdating sa international tournments. Sa katunayan, noong 2021 DPC season, nagtapos sila bilang runner-up sa ONE Esports Singapore Major at WePlay AniMajor, bagamat nalaglag sa 9th-12th sa TI10.

Papasok sa 2022 DPC season, napagdesisyunan ni JerAx na lumabas sa kanyang retirement at sumapi sa EG. Kinuha rin ng NA squad si former Virtus.pro carry Egor “Nightfall” Grigorenko bilang offlaner para kumpletuhin ang kanilang roster.

Malakas tignan sa papel ang bagong lineup ng EG ngunit hindi sila nakapag-organize ng maayos na bootcamp sa simula ng season dahil sa visa issues na ipinaliwanag ni JerAx sa podcast nila DPC Southeast Asia casters John Nathan “johnxfire” Fernandez at Mike “MLPDotA” Le Phoenix.

“Igor (Nightfall) had to leave Russia for obvious reasons because the political situation isn’t really great there. He had to live in Mexico, for example, while the rest of the team was bootcamping somewhere else. I was living in Toronto for a while because I didn’t go to the U.S.,” paliwanag ng 30-year-old Finnish pro.

Bukod sa travel issues, inamin din ni JerAx na nahirapan siya sa kanyang pagbabalik sa Dota 2 competitive scene kung saan lumipat siya mula sa position-4 support patungo sa position-5 support role.

“Aside from that, me starting to play Dota again, I was pretty clueless. I’m coming into a team that I don’t know much about, like how the inside works. I’ve only seen it work from the outside,” wika niya.

Inakala umano ng TI8 at TI9 champ mula sa OG na mayroong sapat na oras ang EG para mag-ensayo nang magkakasama ngunit napagtanto niyang hindi pala sapat ang anim na buwan para sa kanila.

Sa pagtatapos ng Spring Tour, inaasahang tatargetin ng Evil Geniuses na maka-bounce back sa ikatlong Tour ng 2021-2022 DPC season at mag-qualify sa PGL Arlington Major na nakatakdang ganapin mula ika-4 hanggang ika-14 ng Agosto sa Texas, USA.

Para sa Dota 2 news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.


Basahin ang orihinal na akda ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.