Pinatumba ng OB.Neon at Execration ang Thai team na Motivate.Trust Gaming sa isang serye ng tiebreaker matches nitong Biyernes upang mapanatili ang kanilang pwesto sa Dota Pro Circuit (DPC) Southeast Asia Division 1 sa susunod na Tour.

Sa pagtatapos ng anim na linggong bakbakan sa DPC 2021-2022 Winter Tour SEA Division 1, pare-parehong may hawak na 2-5 series win-loss record sa 5th-7th places ang OB.Neon, Execration at Motivate Trust.

Kaya naman kinailangan ang best-of-one tiebreaker games sa pagitan ng tatlong koponan para malaman kung sino ang dalawang mananatili sa Division 1 at sino ang mare-relegate sa Division 2 kasama ang TNC Predator.


OB.Neon at Execration tinalo ang Motivate Trust sa tiebreaker

OB.Neon at Execration tinalo ang Motivate Trust sa tiebreaker
Credit: OB.Neon

Nagsimula ang tiebreaker sa isang Pinoy vs Pinoy matchup sa pagitan ng OB.Neon at Execration. Sa kanilang laban sa regular season, pinadapa ng Execration ang Neon sa iskor na 2-1, pero bumawi ngayon ang koponan na kino-coach ni TI2 champion Wong “ChuaN” Hock Chuan.

Sa bandang 19-minute mark ng laro, nakuha ng Exe ang Aegis of Immortal para sa Templar Assassin ni Mark Anthony “Bob” Urbina ngunit nagawa pa ring manaig ng Neon sa clash dahil sa pag-sustain sa Kunkka ni Tri Daya “MamangDaya” Pamungkas at sa three-man Ravage mula sa Tidehunter ni Michael Roi “Enryu” Ladines.

Dito na nag-snowball ang Neon patungo sa easy 30-11 victory sa loob lamang ng 28 minuto.

Sunod namang hinarap nila captain-support Federico “Abeng” Dicdican at kanyang mga kasamahan ang Motivate.Trust Gaming, ang parehong koponan na ni-reverse sweep nila sa huling serye ng DPC Winter Tour SEA Division 1 noong Huwebes para ipwersa ang tiebreaker.

Muling nagwagi ang Neon kontra MTG at sa pagkakataong ito ay isang 33-minute domination ang ipinamalas nila sa likod ng Luna ni Jinn “Palos” Lamatao (7-0-7 kill-death-assist) at Rubick ni Ravdan “Narman” Narmandakh (kilala rin sa IGN na Hustla).

Dahil sa dalawang magkasunod na panalo, naselyo ng OB.Neon ang 5th place na may kaakibat na 30 DPC points at US$25,000 o halos PHP 1.3 milyon.

At dahil naman sa kanilang pagkatalo, naiwan sa isang do-or-die match ang Execration at Motivate Trust. Matatandaang winalis ng Thai squad ang all-Pinoy team ni coach Kimuel “Kim0” Borromeo Rodis sa unang linggo ng Winter Tour.

Sa napakahalagang laban na ‘to, kinaingalan labanan ng MTG ang Exe sa isang 4v5 disadvantage dahil na-disconnect ang kanilang position-4 support na si Worawit “Q” Mekchai at hindi na nakabalik sa laro. Sinubukan pang pumalag ng MTG pero sinuguro ng Exe na gamitin ang kanilang man advantage para makuha ang 33-minute victory.

Nasunggaban ng Execration ang 6th place at ang US$24,000 habang nagtapos naman ang Motivate.Trust Gaming sa 7th place na may premyong US$23,000 at nalaglag sa Division 2 ng susunod na Tour kasama ang TNC Predator, na bumagsak sa 8th place na may US$22,000 prize money.


Samantala, magsasalpukan ang T1, Fnatic at Team SMG sa isa ring tiebreaker para sa 2nd-4th places kung saan may mga nakalaang DPC points bukod sa perang papremyo.

Subaybayan ang mga pangyayari sa DPC sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.