Seryoso ang T1 na makabalik sa The International (TI) matapos pumalya sa kanilang kampanya na makasungkit ng direct invite patungo sa TI11 nitong Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 season.

Minarka ng South Korea-based esports organization ang posibleng pinakamalaking signing sa kasaysayan ng Southeast Asian Dota sa pamamagitan ng pagkuha sa 2-time TI champions na sina Anathan “ana” Pham at Topias “Topson” Taavitsainen para sa darating na TI11 SEA Regional Qualifier.

Sorpresang inanunsyo ng T1 ang pag-recruit nila sa dalawang dating OG stars nitong Martes ng gabi, mahigit dalawang linggo bago ang qualifying tournament para sa Dota 2 world championship na gaganapin sa Singapore ngayong taon.

Credit: OG

Si ana ay opisyal nang miyembro ng T1 habang si Topson naman ay magsisilbing stand-in. Pinalitan ng dalawa sina Pinoy pro players Kim “Gabbi” Santos at Karl Matthew “Karl” Baldovino na pinakawalan ng organisasyon kamakailan.

Huling naglaro nang makasama sina ana at Topson sa DPC Western Europe Season 2 Division 1 kung saan kinapos sila at ang OG na makapasok sa WePlay AniMajor noong nakaraang taon. Matapos nito ay nagdesisyon si ana na mag-retiro noong Hunyo 2021.

Bumalik ang Australian carry sa pro scene nang maglaro siya bilang stand-in para sa Team Liquid sa Riyadh Masters 2022 at Royal Never Give Up sa Arlington Major. Samantala, ang Finnish midlaner naman ay nagpahinga muna at nag-stream sa SEA bago magpasyang maghanap ulit ng team para simulan ang kanyang misyon na makasunggab ng ikatlong Aegis of Champions.


Roster ng T1 para sa TI11 SEA Qualfiier

Credit: Valve

(1) Anathan “ana” Pham
(2) Topias “Topson” Taavitsainen
(3) Carlo “Kuku” Palad
(4) Kenny “Xepher” Deo
(5) Matthew “Whitemon” Filemon
Park “March” Tae-won (coach)
Kim “QO” Sun Yeob (analyst)

Makakasama nila ana at Topson sina Pinoy captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad at Indonesian support duo Kenny “Xepher” Deo at Matthew “Whitemon” Filemon, sa gabay nila South Korean coach “Park” March “Tae-won at analyst Kim “QO” Sun Yeob.

Sasabak ang bagong roster ng T1 sa madugong TI11 SEA Qualifier na gaganapin mula ika-3 hanggang ika-18 ng Setyembre. Makakasagupa nila dito ang kapwa Division 1 teams na Talon Esports, RSG, Polaris Esports, Team SMG at Nigma Galaxy SEA at Division 2 squads na Neon Esports, Execration, Lilgun, Army Geniuses, Summit Gaming, Atlantis, XERXIA at TNC Predator.

Credit: Wykhrm Reddy

Nakataya sa qualifier ang nag-iisang siguradong slot ng rehiyon patungo sa TI11. Ang runner-up at 3rd-placer naman ay makakapasok sa Last Chance Qualifier kung saan ang top 2 teams ang uusad sa TI11 group stage.

Tatlo ang siguradong pambato ng SEA sa kauna-unahang TI na isasagawa sa rehiyon dahil nakakuha ang BOOM Esports at Fnatic ng direct invite.

Para sa mga balita patungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.