Tila kumuha ang Team Secret ng pahina mula sa libro ng OG sa pamamagitan ng pag-sign ng isang bagitong manlalaro para sa darating na Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Tour 3.

Inansunyo ng Western European squad sa kanilang social media accounts ang pagkuha nila sa 20-year-old Dutch carry na si Remco “Crystallis” Arets nitong Lunes, tatlong araw matapos ianunsyo ang pagtanggal nila kay Syed Sumail “SumaiL” Hassan.

Si Crystallis ay dating miyembro ng Team Entity at Creepwave kung saan naging kakampi niya sina Bozhidar “bzm” Bogdanov at Ammar “ATF” Al-Assaf, na kakapanalo lang sa ESL One Stockholm Major 2022 kasama ang OG. Parte rin siya ng ekslusibong 12,000 MMR club at pasok sa top five ng kasalukuyang European MMR leaderboards.


Young blood nga ba ang susi sa tagumpay?

Credit: ESL

Pinangibabawan ng mga koponan na binabandera ang ilan sa pinakabatang manlalaro ang dalawang pinakahuling DPC tournaments—ang Stockholm Major na kinuha ng OG at The International 10 na ipinanalo ng Team Spirit. Bagamat hindi masasabing baguhan ang mga organisasyong ito, hindi sila kasing-stacked ng mga kilalang manlalaro tulad ng mga nagdaan sa Team Secret.

Kabaligtaran naman nito ang ginawa ng Secret sa offseason. Nag-sign sila ng dalawa sa pinakamalaki at pinaka-experienced na pangalan sa Dota 2 na sila SumaiL at Daryl “iceiceice” Koh Pei Xiang.

Bagamat si SumaiL ay tatlong taon lang na mas matanda kaysa kay Crystallis, kinikilala na siya bilang isa sa top players mula pa sa professional debut niya sa Evil Geniuses noong 2015 kung kailan nakamit niya ang Aegis of Champions sa edad na 16.


Ang roster ng Team Secret para sa ikatlong DPC Tour

Crystallis, ang bagong carry ng Team Secret
Credit: Team Secret

(1) Remco “Crystallis” Arets
(2) Michal “Nisha” Jankowski
(3) Daryl “iceiceice” Koh
(4) Yazied “YapzOr” Jaradat
(5) Clement “Puppey” Ivanov
(Coach) Lee “Heen” Seung Gon

Sumapi si Crystallis sa Team Secret para sa napakahalagang Tour 3. Sa isang napaka-competitive na rehiyon, dalawang beses nang hindi nakapasok sa top four ang koponan at pumalyang makapasok sa Winter Regional Finals at Stockholm Major kung saan nakataya ang malaking DPC points.

Pero dahil sa bagong weighted system ng Valve, ang huling Tour ay may pabuya na mas maraming DPC points kaya naman may tsansa pa ang Secret na makapag-ipon ng sapat na puntos para makuha ang isa sa 12 direct invites papuntang The International 11. Sa kasalukuyan, nasa 27th spot sila sa rankings hawak ang 59.5 DPC points.

Kung maganda ang magiging kampanya nila sa DPC Western Europe Tour 3 maging sa Arlington Major, maaari pa silang makakuha ng direct invite sa TI11 na gaganapin sa Singapore. Kung hindi naman nila ito magawa, kakailanganin nilang makipagsagupaan sa Regional Qualifiers o sa Wildcard.

Ano man sa dalawang paraan na ito, umaasa ang Team Secret na ang pag-sign nila kay Crystallis ay magdudulot ng panibagong gutom na manalo at matulungan si captain Clement “Puppey” Ivanov na ipagpatuloy ang kanyang marka bilang natatanging manlalaro na nakadalo sa lahat ng TI.

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Dota 2 news, guides at highlights.