Ibang lebel ng Mobile Legends: Bang Bang action ang nasasaksihan natin sa M5 World Championship.

Simula nang magpataw ng malaking nerf sa Flask of the Oasis noong patch 1.8.30, hindi nakakagulat na medyo iba at mas dynamic na ang mga komposisyon ng bawat koponan, lalo na pagdating sa mga roamer.

Owgwen sharing his best 3 roam heroes during a post-match interview.
Credit: Ron Muyot/ONE Esports

Kinuha namin ang opinyon ni Rowgien “Owgwen” Unigo, roamer ng kasalukuyang MPL PH at M5 World champion na AP BREN, tungkol sa tatlong pinakamahusay na mga roamer sa kasalukuyang meta.



Ito ang 3 best roam heroes sa M5 ayon kay Owgwen

Mathilda

Si Mathilda, ang Swift Plume, ay isa sa mga hero na nananatiling matibay kahit pagkatapos ng mga nerf sa Flask. Ang kanyang mobility ay walang kapantay, na ginagamit niya upang madaliang makapaglakbay sa mapa at magbigay ng suporta kung saan ito kinakailangan.

“Yung movement niya sa map, sobrang bilis niya,” sabi ni Owgwen. “Pwede rin siyang gamitin para maabot yung backline.”

Pwedeng siyang sumalakay papunta sa likod ng kalaban gamit ang Guiding Wind, na nagiging isang matindi at nakakatakot na puwersa na nagugulo pipitas sa mga ranged damage dealers.

Isa sa mga pangunahing lakas ni Mathilda ay ang kanyang kakayahang mag-reposition nang mabilis, na nagdudulot ng pagkakabigla sa mga kalaban at nagbubukas ng mga pagkakataon para sa kanyang koponan na makakuha ng objective o magsimula ng team fight.

Sa kabuuan, ang kanyang mobility at crowd control ay nagiging mahalagang asset para sa anumang team composition.

Minotaur

Minotaur
Credit: Moonton

Si Minotaur ang pumapangalawang hero sa listahan ni Owgwen dahil sa kanyang tankiness at versatile na skill set.

“Sobrang tanky niya tsaka kaya niyang magpalambot ng kalaban.” sabi ni Owgwen. “Tsaka sama na rin yung healing niya.”

Ang kakayahan ni Minotaur na pabagalin ang mga kalaban at bawasan ang kanilang depensa ay may malaking epekto sa mga team fights, na nagbibigay ng malaking kalamangan para sa kanyang koponan. Bukod dito, ang kakayahang mag-heal ay nag-aambag ng karagdagang layer ng sustainability, kung kaya’t kaya niyang tumanggap ng damage habang sumusuporta sa kanyang mga kakampi.

Likas kay Minotaur ang pagiging makunat kaya bagay na bagay siyang maging frontliner na tumatanggap ng damage at gumugulo sa pormasyon ng kalaban.

Tigreal

Credit: Moonton

Ang pagiging popular ni Tigreal ay isang nakakagulat ngunit magandang karagdagang sa listahan ni Owgwen ng pinakamahusay na mga roam heroes, salamat sa kanyang kamakailang revamp.

“Yung ulti niya, sobrang tagal ng stun,” paliwanag ng roamer. “Tska yung tulak niya sobrang daming pwedeng gawin, pwedeng pang delay, pwedeng panglapit sa kalaban, pwedeng panglayo.”

Ang ultimate ni Tigreal na Implosion ay nagbibigay ng malakas at matagal na stun na nagbibigay ng sapat na oras para sa iyong mga kakampi na magbigay ng damage sa inyong mga kalaban.

Ang pagiging versatile ni Tigreal ay makikita sa kanyang second skill na Sacred Hammer. Pwedeng ito gamitin upang i-delay ang mga minion waves, paliitin ang agwat sa pagitan ng mga kakampi at kalaban, o itulak ang mga kalaban palayo.

Ang adaptability ni Tigreal ay nagbibigay sa kanya ng halaga sa iba’t ibang mga sitwasyon, kaya’t napapasama siya sa mga pinakamahusay na mga roamer ayon kay Owgwen.

Para sa iba pang balita at guides tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Eksklusibo: Ang 2 roam heroes na kelangan mo para makaakyat ng Mythic, ayon kay Baloyskie