Ipinaliwanag ni Blacklist International coach Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza ang mga puntos na maaaring gawin ng RSG Philippines para matalo nila ang RRQ Hoshi sa grand final ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022).

Sa isang video na in-upload sa kanyang opisyal na YouTube account, hinimay ng dekoradong coach ang sikreto sa naging tagumpay ng kampeon ng MLBB Professional League Indonesia (MPL Indonesia) nang harapin nila ang mga Pinoy sa upper bracket final ng gumugulong na turneo.

‘Wag na raw palagan ang Franco ni Vynnn, ani Coach BON CHAN

Coach BON CHAN ibinahagi kung paano i-decode ang RRQ Hoshi: 'Hindi [sila] untouchable'
Credit: MSC

Malaki ang ginampanang papel ng Franco ni Calvin “Vynnn” para matisod sa lower bracket ang kinatawan ng Pilipinas. Sinubukan palagan ng tinaguriang “Kingslayers” ang comfort pick ng roamer sa pagpili ng Atlas para sa kanila, pero hindi ito gumana.

Kaya’t paalala ni Coach BON CHAN, i-ban na lang ang hero kung hindi mapi-pick para sa sarili nila.

“Pangontra naman talaga, if ibang player ang gagamit ng [Franco]. Pero kay Vynnn, na-prove nang hindi pangontra para sa Franco niya ang Atlas.”

Ganito na rin daw ang ginawa ng SIBOL nang makaharap nila ang Indonesia sa gold medal match ng 31st Southeast Asian Games (SEA Games). Sinubukan pa nga ni BON CHAN na sindakin ang koponan na piliin ang hero dahil handa silang kontrahin ito, pero iba raw talaga ang galawan ni Vynnn.

Kung walang Franco, sumasalalay lang ang RRQ Hoshi sa nakagawian nilang rotation. Importante raw kasi para sa kanilang midlaner at roamer na protektahan ang jungler nilang si Albert “Alberttt” Neilsen Iskandar. Pwedeng abusuhin ito ng Raiders—kailangan lang daw ni Demonkite na mag-invade habang nakatuon ang atensyon nina Vynnn at Deden “Clayyy” Muhammad Nurhasan kay Dylan “Light” Catipon.

Coach BON CHAN ibinahagi kung paano i-decode ang RRQ Hoshi: 'Hindi [sila] untouchable'
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

“Gawin lang nila yung assignment nila, madami silang matutuklasan… Kailangan lang nilang maalala kung ano ‘yung common sa mga times na nanalo sila sa scrims,” dagdag ng Pinoy na coach.

May mga butas din daw sa draft ng RRQ Hoshi. Mahilig daw kasi ang koponan sa mga scaling heroes, gaya ng pagpili nila sa Cecilion, Claude, at Brody. Nakakalimot din daw sila minsan na mag-commit sa kanilang targetted bans sa ikalawang phase.

“Hindi untouchable ang RRQ. Hindi nila dapat katakutan,” paalala ni Coach BON CHAN.

Mapapanood ang kumpletong paliwanag dito:


Idaraos ang best-of-seven grand final sa pagitan ng RSG Philippines at RRQ Hoshi ngayon, ika-19 ng Hunyo, sa ganap na ikalima ng hapon. Masusubaybayan ang mga laban sa MSC 2022 sa mga sumusunod na official livestreams na matatagpuan dito.

Para naman sa mga karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: R7 at Alberttt ng RRQ Hoshi, pinuri ang RSG PH players