Pagkatapos pakawalan si Raniel “URESHIII” Logronio, at bigyang-daan ang paglipat ni ohn Michael “Zico” Dizon sa Cambodia, susunod namang bitawan ng Nexplay EVOS ang kanilang main roamer na si Kenneth “CADENZA” Castro.

Ginawa itong opisyal ng NXPE sa isang anunsyo sa social media kung saan pinasamalatan nila ang rookie sensation sa kaniyang mga naiambag sa kampanya ng team sa MPL Philippines Season 9 at sa naunang 2022 Sibol National Team Selection event.

Credit: MPL PH

Bagamat natapos sa gitna ng standings sa regular season, malaki pa rin daw ang inimprove ng koponan dahil sa larong isinalang ni CADENZA. “The last MPL Philippines season was indeed a roller-coaster ride for everyone and your adrenaline-inducing game plays made it more exciting. We are honored to share the battleground with you.”


Karera ni CADENZA kasama ang NXPE

Rookie mang ituturing si CADENZA sa MPL ay malaki ang potensyal ng batang pro kung pagbabasihan ang kaniyang plays sa regular season lalo pa’t pinunan niya ang butas na iniwanan ni Tristan “Yawi” Cabrera ng lumipat ito sa ECHO.

Sa naturang season, nagtala ang tubong Cauayan City, Isabela ng desenteng 2.69 KDA ratio, kaakibat ang 6.17 assists per game at 0.74 average kills kontra sa 2.57 average deaths.

Ngunit hindi maipapakita ng numero ang kabuuang epekto ng laro ni CADENZA para sa NXPE. Mapanganib ang Franco pick ng roamer ng Nexplay na umani ng fans ng mga miron, kasabay pa ng nabuong kasabihan na “Kadena ni CADENZA”.

Credit: MPL PH

Patunay din sa kakayahan ng batang pro ang mataas na respeto ni ONIC PH star at kapitan na si Allen “Baloyskie” Baloy sa rookie roamer. Mababalikan na sa kanilang paghaharap noong Week 5 Day 3 noong nakaraang season, inamin ni Baloyskie na may angking gigil daw tuwing nakikita niya ang roamer sa mapa.

Bagamat ONIC PH ang nanaig sa nasabing serye, kakaibang lebel daw ng laro ang ipinakita ng 19-anyos na pro. “Ganoon naman eh. As a competitor, kung sino yung magaling doon ka manggigigil. Sa totoo lang, may respeto naman din ako sa kaniya. Parang siya talaga yung natarget ko,” aniya.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita tungkol sa MPL.

BASAHIN: Z4pnu: ‘Kelra inofferan ng six-digit na sweldo ng isang ID team’