Ngayong papalapit na nang papalapit ang M4 World Championship, parami nang parami ang mga professional Mobile Legends: Bang Bang teams na nagpapalakas ng kani-kanilang roster upang makuha ang isa sa 16 na slots.

Natunghayan natin sa mga nakalipas na buwan ang pag-import ng mga MPL at non-MPL squads sa mga manlalaro at coaches mula sa Pilipinas. Mula sa pagsali ni dating ONIC PH jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol sa ONIC Esports ng Indonesia hanggang sa pag-recruit ng Team SMG ng Malaysia sa kanyang former teammate na si Jaylord “Hate” Gonzales, patuloy ang listahan ng mga Pinoy MLBB imports.

Balita-balita ngayon ang isa pang rehiyon at koponan na maaaring makiuso—ang Falcon Esports ng Myanmar.

Ipinahiwatig kamakailan ng organisasyon sa Facebook na isang bagong miyembro ang maaaring sumanib sa kanila. Bagamat kaunti pa lang ang mga detalye, may mga clue na nagsasabing ang bagong miyembro nila ay si dating MPL Philippines head coach Steven “Coach Dale” Vitug.


Bakit si Coach Dale ang maaaring pinakabagong recruit ng Falcon Esports?

Credit: Falcon Esports

Maraming fans ang nagsabi sa comment section na ang kamay na makikita sa larawan ay kay Coach Dale. Maging si Filipino caster Dan “Leo” Cubangay ay nagkomento na alam niya kung kaninong kamay ang nasa litrato.

Si Coach Dale mismo ay nag-share ng larawan sa kanyang Facebook account na may caption na dalawang shushing face emojis. Dagdag pa rito, makikita sa kanyang post na naka-queue siya kasama sina Falcon Esports jungler Kenneth “Kenn” Hein at EXP laner Hein “yellowflash” Min Khant sa isang rank game.

Credit: Dale Vitug

Ang dating player na naging coach ang isa sa mga dekoradong tactician sa MPL PH. Sinimulan niya ang kanyang karera bilang manlalaro para sa Finesse Solid noong Season 2 bago maging head coach ng Sterling Global Dragons sa Season 4.

Sumali si Coach Dale sa Aura PH noong Season 7 bago mag-rebrand ang organisasyon bilang ECHO sa sumunod na season. Matapos ma-eliminate ng Smart Omega sa unang round ng playoffs, inanunsyo niya ang kanyang pagreretiro sa liga.

Tumayo rin siyang coach ng SIBOL MLBB na sinungkit ang gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games na ginanap sa Pilipinas noong 2019.

Coach Dale
Credit: ECHO

Kung kumpirmadong aanib nga siya sa Falcon Esports, aatasan siyang gabayan sina yellowflash, Kenn, Pyae Sone “justiN” Khant, Yair “Ability” Naung, Silent, Zippx, Swan Htet “RubyDD” Aung at Min “Naomi” Ko Ko.

Lumapag ang Falcon sa 4th place sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022. Sila lang ang non-MPL team na nakapasok sa playoffs matapos sunggaban ang top spot sa Group A at pauwiin ang powerhouse ONIC ID sa group stage pa lang.

Para sa MLBB at MPL news, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa akda ni Jules Elona ng ONE Esports.