Free agent na ngayon ang Pinoy import na si Gerald “Dlar” Trinchera tatlong seasons matapos katawanin ang EVOS Legends ng Indonesia.

Inanunsyo ng Moonton Games sa pamamagitan ng Mobile Legends Professional League Indonesia social media accounts ang pag-alis ng 23-anyos na EXP laner sa EVOS sa kalagitnaan ng ikalimang linggo ng MPL ID Season 12.

Sinundan nito ang isang serye ng mahahalagang pagbabago na ginawa ng organisasyon sa kanilang roster sa kasagsagan ng season.

Noong nakaraang linggo lang, inilipat ng EVOS Legends sina Dalvin “Hijumee” Putra and Rachmad “DreamS” Wahyudi sa kanilang MLBB Development League team na EVOS Icon.



Ang karera ni Dlar bilang pro player at content creator para sa EVOS Legends

Credit: EVOS Esports

Napuno ng mga hamon at transpormasyon ang karera ni Dlar sa kampo ng White Tigers.

Masalimuot ang kanyang unang season, kung saan limitado ang kanyang oportunidad na magpakitang-gilas sa MPL ID bago siya ilipat ng organisasyon sa EVOS Icon.

Pagsapit ng Season 11, nagsilbi naman siya bilang content creator ng koponan.

Credit: MPL ID

Sa kabila ng pabago-bago niyang role sa organisasyon, nakapagpamalas ang M3 grand finalist ng magandang laro kontra sa kanyang ex-ONIC PH teammate na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol at ONIC Esports sa MSC 2023.

Kaya naman nakabalik siya sa roster ng EVOS Legends pagdating ng MPL ID Season 12.

Subalit hindi siya nakalaro sa entablado nitong nakalipas na apat na linggo dahil mas pinaboran ng White Tigers si Regi “Fluffy” Marviola sa EXP lane.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa MPL at Mobile Legends.

BASAHIN: Lahat ng koponang pasok sa MPL SG Season 6