May tsansa na maglaro si Blacklist International tank/support star Salic “Hadji” Imam bilang core player o jungler sa M3 World Championship.
Ito ang sinabi ni Blacklist head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza nang tanungin tungkol dito sa post-championship match interview matapos ang kanilang 1-3 pagkatalo sa ONIC Esports ng Indonesia sa Grand Finals ng ONE Esports MPL Invitational 2021 noong Linggo ng gabi, ikapito ng Nobyembre.
BON CHAN sa posibilidad na maglaro si Hadji bilang core sa M3: ‘Pwede naman’

“Everything is possible, you know,” tugon ni coach BON CHAN sa katanungan kung posible nga ba makita si Hadji bilang core sa ikatlong world championship ng Mobile Legends: Bang Bang.
“Pwede, pwede naman maging Hadji core. Why not?” dagdag pa niya.
Pero ayon sa arkitekto ng back-to-back na kampeonato ng koponan ng Tier One Entertainment sa MPL Philippines, ‘di muna ito ang kanilang prayoridad sa ngayon. Nais muna nila magpahinga matapos ang mahabang season ng Mobile Legends pro scene.
“Sa ngayon, ano muna kami, we will take a break dahil ayun nga, simula MPL up to this point, never pa kami (nakapagpahinga). Kahit nakapag-celebrate kami ng championship namin sa MPL, ‘di pa namin nagawa dahil ‘yun nga priniority namin ‘yung vaccine, passport, so malalaman natin ‘pag nagbalik kami. Magbe-break lang kami ng konti. Then balik preparation na kami for M3,” ani ni coach BON CHAN.
Kung mangyari nga na maglalaro si Hadji bilang core sa M3, kakailanganin ng Blacklist na ilagay sa ibang posisyon ang kanilang kasalukuyang jungler na si Danerie James “Wise” Del Rosario, na mas kumportable sa paggamit ng jungle marksman o fighter at bihirang gumamit ng assassin heroes.

Makikita rin dito kung mas epektibo nga ba si Hadji bilang core sa pinapatakbo ng Blacklist na signature UBE strategy kumpara sa pagiging tank o paminsana’y position-4 niya.
Si Hadji bilang isang core player

Hindi na bago kay Hadji ang core o jungler role. Sa katunayan, kinilala siya bilang “KDA Machine” dahil sa kanyang malupit na mechanical skills at killer instinct noong naglalaro pa siya bilang core ng Smart Omega. Kilala noon bilang Hadjizy, tanyag siya sa kanyang paggamit ng Ling, Lancelot, Yi Sun-Shin at iba pang assassins.
Nang malipat sa Blacklist International nitong Season 8, napunta sa tank at minsan naglalaro din bilang support ang 18-year-old pro mula sa Parañaque.
Pinatunayan ni Hadji na magaling din siya sa tank at supports role matapos hiranging Season MVP at Finals MVP kasabay ng pagsungkit ng kanyang unang MPL PH title.

Sa huling linggo ng regular season sa MPL PH S8, naglaro si Hadji bilang core sa serye ng Blacklist International kontra sa Bren Esports. Gumamit siya ng Ling at Lancelot para matulungan ang kanyang koponan na maka-iskor ng 2-0 sweep.
Makikita natin kung magbabalik si Hadji sa core o jungling role sa M3 na gaganapin mula ika-anim hanggang ika-19 ng Disyembre sa Singapore.
Subaybayan ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa mga balita tungkol sa M3 at sa Mobile Legends: Bang Bang.