Handa ang Blacklist International sa kahit anong target banning na maaaring ibato sa kanila ng mga kalaban sa gumugulong na M3 World Championship.
Sinabi ni captain-support Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna na nag-expand ang hero pool ng Blacklist bilang paghahanda para sa naturang crowning tournament ng Mobile Legends: Bang Bang ngayong taon.
Pinalawak ang hero pool ng Blacklist International para sa M3, ayon kay OhMyV33nus

Ipinunto ni OhMyV33nus sa kanilang post-match interview na pinalawak ang hero pool ng Blacklist dahil sa kanilang naranasan na focused-banning sa MPL Philippines maging sa MPL Invitational.
Partikular na rito ang tinatawag na “hack-a-V33nus” o ang pag-ban sa lahat ng posibleng hero na gagamitin ng beteranong player tulad ng Estes, Mathilda, at Rafaela.
“This year, we have experienced, most of the time, that the enemy team would ban my heroes and sometimes even ban five heroes for me. It’s a big lesson for us to come up with a new strategy when our enemy tries to focus ban one of us. That’s where we had the idea of expanding our hero pool,” wika ni OhMyV33nus.
(Ngayong taon, madalas naming maranas na i-ban ng kalaban ‘yung mga hero ko at minsan nagba-ban pa sila ng limang hero para sa’kin. Kaya malaking aral ‘yun sa’min na gumawa ng bagong strategy kapag nagpo-focus ban ‘yung kalaban sa isa sa’min. At doon din kami nagka-ideya na palawakin ang hero pool namin.)
Dagdag pa niya: “Right now, we’re confident. They can ban any hero (against us).” (Pero ngayon, confident kami. I-ban na nila kahit sinong hero laban sa’min.)
Bagamat ‘di pa gaanong halata sa M3 Group Stage Day 1, nakita ang pinalakas na hero pool ng Blacklist sa kanilang ikatlong match kontra sa Malvinas Gaming ng Peru nang i-flex pick nila ang Natan at kumuha ng Beatrix sa pangalawang picking phase.

Binigay nila ang Natan kay jungler Danerie James “Wise” Del Rosario na bihirang gamitin ang Spacetime Walker habang si gold laner Kiel “OHEB” Soriano naman ang naglaro ng Beatrix. Dinomina ng back-to-back MPL PH champs ang Malvinas at tinapos ang laro sa loob lamang ng siyam na minuto at 55 segundo para iselyo ang group stage sweep na kaakibat ang unang upper bracket spot.
Makikita sa playoffs kung sinu-sinong hero o anu-anong composition pa ang ilalabas ng Blacklist International.
Handa rin sa pressure ang Blacklist International

Idiniin din ni OhMyV33nus sa post-match interview na inihanda nila ang kanilang sarili sa pressure na kaabikat ng pagiging isa sa heavy favorites sa M3.
“One of the mindset that we prepared is accepting the pressure. Kasi alam namin na hindi na mawawala ‘yung pressure sa’min.”
Aniya, ilang beses na itong naranasan ng koponan ng Tier One kaya naman sanay na sila na makatanggap nito sa anumang torneo na kanilang sasalihan.
Magpapahinga ang Blacklist International nang ilang araw bago sumalang ulit sa bakbakan sa darating na playoffs na gaganapin simula ika-11 ng Disyembre. Mapapanood ang mga laban sa Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends.
Subaybayan ang mga kaganapan sa M3 World Championship sa pamamagitan ng pag-like sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: KarlTzy umalis sa Bren Esports para maghanap ng ibang oportunidad