‘Di alintana ng ONIC Philippines ang pagkatalong natamo kontra ECHO noong nakaraang linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) matapos nilang buksan ang panibagong linggo sa pamamagitan ng isang tagumpay kontra Nexplay EVOS.
Tampok sa 2-1 nilang panalo ang Jungle Chou ni Stephen “Sensui” Castillo noong una at ikatlong mapa ng best-of-three. Ito ay sa kabila ng pagtamlay ng mga Tank Jungle, pati na rin ng Jungle emblem at Demon Slayer talent, at dahan-dahang pagbabalik ng mga Assassin sa meta.
Jungle Chou ni Sensui kuminang sa ONIC PH vs Nexplay EVOS

Pinuno ng ONIC PH ang kanilang draft sa unang mapa ng serye ng mga hero na may crowd control. Bukod sa Jungle Chou ni Sensui, binigyan din si Ralph “Rapidoot” Adrales ng Grock habang Selena naman ang hawak ni Frince “SUPER FRINCE” Ramirez.
Wala pang isang minuto ay na-First Blood na ni Rapidoot ang Julian ni Jniel “YellyHaze” Bata-anon. Sakto ang knock up mula sa Jeet Kune Do ni Sensui para makonekta ang Abyssal Arrow ng kakamping Selena.
Sa ganitong paraan napa-ikot ng ONIC PH ang laban. Binansagang “Air Combo,” tiyak ang kamatayan ng kung sino mang mahuhuli ng Way of Dragon dahil may kasunod itong damage mula sa Wanwan ni Kenneth “Nets” Barro at Esmeralda ni Nowee “Ryota.” Cabailo.

Bagamat napwersa ng NXPE ang ikatlong mapa salamat sa pangunguna ng Khufra ni Mico “Micophobia” Quitlong, muling dumali ang Jungle Chou ng ONIC PH. Sinuportahan muli nila ito ng mga disable mula sa Selena ni SUPER FRINCE, pero dahil naglaan ng ban slot ang kanilang kalaban para sa Grock ni Rapidoot, kinuha na lang nila ang Ruby.
Madaling nakapag-online ang Wanwan ni Nets matapos nitong kumana ng apat na kills bago mawala ang outer turret energy shields. Dahil dito, solb na agad ang winning condition ng ONIC PH dahil tiyak na may damage nang maibubuga ang kanilang gold laner sa mga team fight.

Gaya ng unang mapa, hindi nakatagal ng higit sa 15 minuto ang NXPE. Walang dudang Wanwan ni Nets ang kinilalang MVP matapos nitong bumomba ng game-high 10 kills, na sinamahan ng tatlong assists pati na rin game-high 51,963 damage dealt.
Ani Coach Mark Kevin “Bluffzy” Delos Reyes, ang mastery ni Sensui sa hero ang naging pangunahing dahilan para patakbuhin nila ang Jungle Chou sa naturang serye:
“Tingin ko kasi darating pa rin kami sa point na ‘yung hero mastery ng gagamit… kung gusto mo talagang gamitin bakit hindi?”
Malaking tulong din daw ang stratehiya pagdating sa draft lalo na’t pwedeng-pwedeng ipang-blind pick ang Chou dahil sa kakayahan nitong maglaro sa tatlong magkakaibang roles—isa na nga ang Jungle Chou.
Susunod na haharapin ng ONIC PH ang RSG Philippines sa Linggo, ika-21 ng Agosto, sa ganap na ika-anim ng gabi. Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Ang bentahe ni Kenji bilang EXP laner para sa RSG PH ngayong MPL PH S10