Hindi napigilan ni Smart Omega star gold laner Duane “Kelra” Pillas na maging emosyonal para kay ONIC PH gold laner Mark Christian “Markyyyyy” Capacio matapos ang kanilang lower bracket semifinal match sa MPL Philippines Season 9 playoffs.

Pagkatapos ilaglag ng OMG ang ONIC sa pamamagitan ng isang 3-0 sweep, agad na pinuntahan ni Kelra si Markyyyy sa backstage at niyakap niya ito habang kitang-kita ang kanyang pagluha sa balikat nito.


Ang dahilan kung bakit umiyak si Kelra para kay Markyyyyy

Kelra umiiyak sa balikat ni Kelra
Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sa post-match press conference, ipinaliwanag ni Kelra kung bakit ganoon na lang ang naramdaman niyang kalungkutan para sa itinuturing niyang mentor at kuya na si Markyyyyy pagkatapos ng serye.

Inilahad ng 17-year-old pro ng Omega na pangarap nilang dalawa na makaabot sa grand finals ngayong season at ibandera ang Pilipinas sa darating na Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022.

“Una po sinabi ko (sa kanya), nagso-sorry po ako kasi nilaglag namin sila. Gusto po kasi talaga namin kami magkatapat sa finals at kami ‘yung lilipad sa MSC. Eh kaso po ayun, parehas po kami nalaglag sa lower (bracket) tapos kami ang nagkatapat,” saad niya.

“Sorry po ako nang sorry kay Marky habang yakap ko siya. Naiiyak po talaga ako, hanggang ngayon nga po eh.”

Ibinahagi rin ng MSC 2021 MVP ang malalim na relasyon niya kay Markyyyy, na nagmula pa noong magkakampi sila sa amateur team na Work kung saan nakasama rin nila sina Mico “Micophobia” Quitlong at Robert Remar “Hito” Candoy.

Credit: Work (TNC Pro Team – ML)

“Sobrang magka-close po kami nun ni Marky kasi two years ko po ata siyang ka-teammate. Tapos naging kuya po siya sa’kin at siya ‘yung nagpalakas sa’kin (sa Mobile Legends).”

“Lagi po niya akong tinuturuan dati noong magkakampi pa kami. Lagi niya po ako tinuturuan kung anong gagawin. Sa kanya po talaga ako natutong mag-ML.”

Ngayon, si Kelra na lang ang may dala ng pangarap na makapasok sa MSC ngayong taon. Isang karagdagang motibasyon ito para sa kanya gayong target din ng kanyang koponan na Smart Omega na makabalik sa presithiyosong torneo at depensahan ang kanilang titulo bilang “Kings of SEA”.


Kakalabanin ng Omega ang matatalo sa pagitan ng RSG PH at TNC Pro Team sa best-of-five lower bracket finals bukas sa ganap na ika-tatlo ng hapon. Nakataya sa seryeng ito ang pangalawang slot sa grand finals na kaakibat ang huling tiket patungong MSC.

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para manatiling updated sa mga pangyayari sa MPL PH Season 9 playoffs.