Nagsilbing paalala ang laglagan sa pagitan ng Smart Omega at ONIC PH sa ikatlong araw ng MPL Philippines Season 9 playoffs kung bakit kinikilala si Joshua “Ch4knu” Mangilog bilang isa sa pinakamahusay na roam player sa buong mundo.

Sa best-of-five serye, naging susi ang mga Yakap at Hook ni Ch4knu gamit ang Khufra at Franco para mawalis ng defending Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC) champions ang M3 World Championship runner-up.


Yakap at Hook ni Ch4knu, sinelyo ang top three para sa Smart Omega

Yakap at Hook ni Ch4knu tinapos ang kampanya ng ONIC PH sa MPL PH S9 playoffs
Credit: MPL Philippines

Matapos himayin ng TNC Pro Team kahapon sa upper bracket, pinatunayan ng Smart Omega na makamandag pa rin ang kanilang lason.

Pinangunahan ni ‘Ch4k Mamba’, na muling gumamit ng signature pick niyang Khufra, ang unang mapa ng serye. Dikit ang unang bahagi ng laban, pero naselyo ng Comeback Kings ang tagumpay matapos makapagpatama ng ng two-man Tyrant’s Rage ang 20-taong-gulang na manlalaro.

Yakap at Hook ni Ch4knu tinapos ang kampanya ng ONIC PH sa MPL PH S9 playoffs
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Hindi na muling hinayaan ni Coach Denver “Yeb” Miranda na mapasakamay ng Barangay ang Khufra nang kunin nila ang hero para sa kanila sa sumunod na dalawang mapa. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang pagpapakitang-gilas ng tubong Quezon City.

Sumandal naman kasi ang Smart Omega sa Franco kaya’t mga Iron Hook naman ni Ch4knu ang naging problema ng ONIC PH. Agad nabubura ang makakalawit ng roamer dahil tiyak na nakatutok sa kalaban ang Beatrix ni Duane “Kelra” Pillas para maselyo ang kill.

Yakap at Hook ni Ch4knu tinapos ang kampanya ng ONIC PH sa MPL PH S9 playoffs
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Ganitong combo muli ang lumabas sa draft Coach Jomie “P4kbet” Abalos sa ikatlo at kalauna’y huling mapa ng serye. Bakas ang pagkagamay ni Kelra sa kanyang paboritong hero matapos nitong magtala ng game-high 11 kills at 66,052 damage dealt.

Dahil sa kanilang pagkapanalo, isang hakbang na lang ang Smart Omega mula sa pagkakataong madepensahan ang kanilang titulo sa paparating na MSC 2022. Haharapin nila bukas sa lower bracket final ang koponang matatalo sa laban ng TNC Pro Team at RSG PH.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Mas tumitindi ang focus ng Smart Omega sa playoffs, sabi ni Renzio