Bumida ang pambato ng Indonesia na RRQ Hoshi maging ang hometown bet na RSG SG sa huling araw ng M3 World Championship group stage para masunggaban ang huling dalawang upuan sa upper bracket playoffs.

Gaya ng inaasahan, pinagharian ng “King of kings” na RRQ Hoshi ang Group D samantalang isang sorpresa naman ang pagkuha ng RSG SG sa ikalawang pwesto sa grupo.


Alberttt ng RRQ Hoshi nagliyab sa M3 Group Stage Day 4, nilista ang unang savage ng torneo

Alberttt ng RRQ Hoshi nagliyab sa M3 Group Stage Day 4
Credit: Moonton

Simula pa lang ng araw ay nag-init kaagad ang star jungler ng RRQ Hoshi na si Albert “Alberttt” Neilsen Iskandar kontra sa MPL Malaysia champion Team SMG na tinalo nila sa ONE Esports MPL Invitational 2021.

Tumikada si Alberttt ng dalawang maniac at perpektong 11-0-3 kill-death-assist record gamit ang Paquito para pangunahan ang 16-2 pandudurog ng RRQ sa SMG sa loob ng halos 15 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Sunod na binugbog nila Alberttt at RRQ ang new kid in the block na GX Squad ng Saudi Arabia para agad na maselyo ang kanilang pwesto sa upper bracket playoffs.

Perpektong laro na naman ang ipinamalas ng 17-year-old stalwart na pumukol ng 14-0-5 KDA sa kanyang Aamon at sinindihan ang dominanteng 22-4 panalo laban sa mga Arabo sa loob lamang ng 10 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Bagamat dehado ang RRQ Hoshi sa RSG SG sa simula ng kanilang harapan, hindi nito napigilan ang paghahalimaw ni Alberttt sa kanyang Roger.

Isa-isang kinalkal ng Roger ni Alberttt ang RSG at bilang panapos sa kanyang malupit na 14-0-2 performance ay itinala niya ang kauna-unahang savage sa M3.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Sa kabuuan, pumukol si Alberttt ng sumatotal na 39 kills at 10 assists sa tatlong group stage games ng RRQ para mailista ang nakakamanghang KDA na 49.0 at 91% kill participation na parehong pinakamataas ngayon sa M3.


RSG SG abante din sa upper bracket

Credit: Moonton

Maganda ang panimula ng RSG SG sa kanilang kampanya sa M3 nang padapain nila ang GX Squad sa likod ng Khufra ni roamer Bellamy “Lolsie” Leov.

Nagpakitang-gilas si Lolsie sa kanyang mga pang-TikTok na initiations na Tyrant’s Revenge-Flicker into Tyrant’s Rage combo at ginamit ito upang tuldukan ang 19-2 panalo ng RSG sa loob ng 13 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Napanatili ng itinuturing na dark horse ng grupo ang kanilang momentum patungo sa kanilang pangawalang laban at ginulat ang kampeon ng Malaysia na SMG.

Mala-seesaw ang bakbakan ng dalawang koponan pero sa huli ay RSG ang nanaig sa panguguna ng Clint ni Jovan “babycakes” Ong. Nagpakawala rin si Lolsie gamit ang Ruby ng malulupit na I’m Offended setups para magwagi ang kanyang koponan sa mga team fight.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Mabuti na lang ay nakapagbaon na ng dalawang panalo ang RSG SG bago sila pabagsakin ni Alberttt at ng RRQ Hoshi sa closing match ng Group D.


Nanalo ang Team SMG kontra sa GX Squad pero hindi ito sapat para makatungtong sila sa upper bracket. Parehong magsisimula sa lower bracket ang dalawang koponan.

Narito ang final standings matapos ang aksyon sa M3 Group Stage Day 4:

Sa pagtatapos din ng M3 Group Stage Day 4 naitakda ang kumpletong bracket para sa playoffs ng torneo.

Binubuo ng top seeds na Blacklist International, Onic PH, EVOS SG at RRQ Hoshi maging ng runner-ups na Bedel, Todak, BloodThirstyKings at RSG SG ang upper bracket. Samantala, magtatagisan naman sa simula ng lower bracket ang Team SMG, Onic Indonesia, Keyd Stars, GX Squad, Na’Vi, Malvinas Gaming, Red Canids at SeeYouSoon.

Mapapanood ang playoffs simula ika-11 ng Disyembre sa Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends: Bang Bang.

Sundan ang mga kaganapan sa M3 World Championship sa pamamagitan ng pag-like sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.