Opisyal nang ipinakilala ang pitong manlalaro na bubuo sa MLBB team ng SIBOL para sa 14th World Esports (WE) Championship ng International Esports Federation (IESF).

Matapos ang tatlong araw na combine event, kung saan sumabak ang mga miyembro ng Blacklist International at MHRLK Esports sa serye ng scrims para masukat ang kanilang kakayahan, isinapubliko na ng SIBOL, ang national esports team ng Pilipinas, ang naging resulta nito.

Bubuuin ang MLBB team ng SIBOL ng limang miyembro ng Blacklist International, ang kampeon ng ginanap na national qualifier, at dalawang manlalaro mula sa MHRLK Esports, ang amateur team na sumelyo sa huling slot ng combine.

MLBB team ng SIBOL para sa 14th WE Championship

MLBB team ng SIBOL para sa 14th WE Championship ng IESF, ipinakilala na
Credit: SIBOL
  • Jonmar “PHI.Villaluna” Villaluna (Blacklist International)
  • Danerie James “PHI.Del Rosario” Del Rosario (Blacklist International)
  • Kenneth Carl “PHI.Tadeo” Tadeo (MHRLK Esports)
  • Salic “PHI.Imam” Imam (Blacklist International)
  • Edward Jay “PHI.Dapadap” Dapadap (Blacklist International)
  • Kiel Calvin “PHI.Soriano” Soriano (Blacklist International)
  • Joshua Kyle “PHI.Villarde” Villarde (MHRLK Esports)

Paliwanag ng organisasyon, isinabak sa tatlong araw na combine ang mga qualified team para makakalap ng datos na pagbabasihan para mabuo ang naturang MLBB team ng SIBOL na ipadadala sa Bali, Indonesia.

Ang mga team coach ang makapagrerekumenda kung sino-sinong player ang maaaring ipasok sa national team. Ipapasa nila ang mga pangalan sa head coach na si Ralph Andrei “Leathergoods” Llabres, na magsusumite naman sa kumite ng SIBOL.

Bukod sa mga datos na sumusuporta sa husay ng mga manlalaro sa kani-kanilang role, bumase rin daw ng SIBOL sa professionalism at kagustuhan ng mga manlalaro na sumabak kasama ang iba’t-ibang players bilang kinatawan ng Pilipinas.

Samantala, nakatakda namang ganapin ang 14th WE Champion sa Disyembre.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: OhMyV33NUS kumpiyansang kaya ng Blacklist 5 na buuin ang SIBOL MLBB roster para sa IESF WEC